Set 3, 2013

Naturang sigla ng bulaklak sa paso

Nasabihan din ako, pabiro,
na pwedeng manirahan sa lungkot

na pansarili man ay mailalakong
panlipunan. Agad kong sineryoso,

gayong buo ang lipunan, dakila,
mandarambong at alta-sosyedad.

Sadyang mas bahag-hari ang limang
titik ng kasaysayan sa kahit sino

sa aking nuno o anak. Kay lalayo
sa bango ng embahada, sa walang-sawang

tigil-putukan. Dahil pwedeng kalakal
ang lungkot, pangkamal. Maikakasa.

Ikaw, nanamlay rin ang iyong kaibigan
sa proyekto, sa iyo bilang proyekto.

Tinimbang ka na at mukhang hindi tipong
manlilibre... Pero hindi ibig sabihing bagay

ang pasma ko sa pasma mo, kahit gaano
nagkakahawig ang ating mga guhit

na tila nananalaytay ang iyong pawis
sa aking salamin.

*

Halimbawang magsimula tayo sa
tamlay, pwede bang salitan sa pag-itsa

ng posporo? Hindi man sumindi ang lahat,
wala mang masunog sa tahanang milyones,

malay ba nila, magkatabi ba tayo
sa kada kaskas ng sakali sa akala.