Alinsunod sa hindi mahihindiang mga hiling(hing) ni Vlad.
V - Sino ka (o, ilarawan ang iyong sarili sa loob ng 100-300 salita)?
A - Mabuhok ako kung sa mabuhok. Huwag mo nang itanong kung saan. Basta kahit saan mo ako hawakan, hindi ka mapapalagay kasi maghahanap ka ng balat at wala ka namang mararamdaman. Huwag mabahala, maging ako hindi ko kilala ang balat ko. Ngunit may alam ako sa sarili ko, isang bagay na hindi ko mapasisinungalingan: ako ay mangingibig. Matagal na akong umiibig at matagal pa akong iibig. May isa pa akong alam: marami akong nakilala at binuo sa aking mga panaginip upang makilala. Karamihan sa kanila, makinis. May ilan pa nga sa kanila na madulas. Ngunit anuman ang gawin kong pagpuwersa sa aking sarili, wala akong mahal sa kanila. Ni isa, wala. Maraming hindi nakaiintindi - sana hindi ka isa sa kanila - ngunit mangingibig ako, alam ko. Bagay ito na hindi ko mapasisinungalingan.
V - Saan o kanino ka nakaugnay o nakikiugnay (o, pagkukuwento ng mga relasyong napasukan sa loob ng 100-300 salita)?
A - Paborito ko sa lahat (bukod sa aking pag-ibig na naipaliwanag ko na) ang araw. Pluto ang ngalan ng kinatatayuan ko, at ipapaliwanag ko mamamaya itong lugar. Sa ngayon, kailangan mong malaman na ang relasyon ko sa araw ang paborito ko. Madalas kung sa madalas ideya lamang ang araw. Konsepto ito, at dahil sa haba ng panahon, hindi ko na mawarian kung saan nanggaling. Bakit may ideya ako ng araw? Bakit minsan, kinikilala ko ito bilang ama. O, mas eksakto, kinikilala ko bilang isang bagay na kumikilala sa akin bilang anak. Hindi ko ito makausap. Kahit sa panaginip, hindi ko ito makausap. Kahit sa ilang pambihirang panaginip na napakatotoo at tila nakikita ko na ang higanteng itlog ng liwanag (na siyang konsepto ko ng "araw"), masyado akong nasisilaw para magsalita. Minsan, lalong pambihira pa kaysa sa panaginip ng araw, ang mismong panahon na nakikita ko ang araw. Naaaninagan ko ito, pinakamabangis na tala. Ngunit saglit lamang. Bago ko pa mawarian kung araw na nga ba ang nakikita ko o isang repleksyon ng araw, wala na ito. Nangyari ito, halimbawa, kagabi (at mahaba ang gabi ng pluto, saglit lamang ang umaga at madaling malimutan). Darating ang panahon na hindi ko na naman alam kung saan ko nakuha ang ideya ng araw.
V - Sa anong mundo ka umiiral (o, paglalarawan ng mga kinalakha at ginagalawang lugar/kaligiran sa loob ng 100-300 salita)?
A - Mabuhok ako sa isang mundong mabuhok. Tawagin na nating "Pluto" ang mundong ito, gaya ng nakagawian ng ilang nakilala ko na napakahilig magpangalan at madaling magsawa sa mga panaginip. Tawagin na rin nating "mundo" ang lugar na ito, at baka ikasaya pa ng Pluto. May isa akong hubo't hubad na nakilala, malinaw ang kanyang mata at dahil sa nipis ng kanyang kilay ay madali siyang paniwalaan. Ayon sa kanya, hindi maituturing na mundo ang Pluto. Sa halip, isa lamang ito sa malalaking obheto sa tinatawag niyang "Sinturon ni Kuiber," isang napakalaking espasyo sa bingit ng solar system. Nais ko sanang ipaliwanag niya ang mga binitawan niyang salita lalo na ang isa na tila solido at tila rin hangin kung kumilos bilang tunog sa utak ko: Solar. Ngunit sinabi niyang hindi siya tutugon, sinabi niyang hindi niya ako ganoon kamahal, at nagawa niyang umalis sa kabila ng kanyang mga halik.