Habang binabasa ang ikalawang kabanata ng Elegy for Iris ni John Bayley, napaisip ako tungkol sa aking trabaho bilang guro. Isinasaalang-alang ko kasi ang unang kabanata nitong libro bilang materyal para sa susunod na semestre. Mahalaga ring dahilan na akademya ang pangunahing tagpuan para sa naratibong ito.
Kakakuha ko rin lang kasi ng aking SET score, ang grado na ibinigay sa akin ng aking mga klase noong unang semestre AY 2010-2011. Masaya ako sa aking nakita. Super. Heto na ang pinakamataas na gradong nakuha ko sa halos isang dekada rito sa pamantasan.
Kung tutuusin, malayo ang numerong ito sa natanggap ng aking dating estudyante na naging titser din dito (at lumipat na sa ibang eskuwela). Noong nakita ko ang mga numero niya – at dati pa ito ha, mga apat na taon na ang nakalilipas – alam ko na agad na mamamatay akong hindi natitikman ang ganoong uri ng langit. Sabi niya, "Sir, madali lang naman ‘yun, kulang ka lang sa ngiti." Marami pang ibang bagay na kulang, pero kung totoong ngiti nga ang pangunahin sa mga ito, naku, ayan, kumpirmado na: mamamatay akong hindi madadampian ng kanyang mga numero.
Ang tawag ni E– sa kanya (at sa mga kawangis niyang halimaw) ay summa cum laude. Bilang kasapi ng Awards Committee, naaaninagan ko rin ang mga grado ng mga halimaw na panlaban ng kanya-kanyang mga departamento sa mga samu't saring outstanding teacher award (nominado man o panalo, mabuhay kayong mga idolo! – maliban na lang sa iba diyan, na panalo nga pero napakahilig namang umiwas sa trabaho at kapag naabutan nito, sisikaping ipasa, dadaanin ka sa ngiti at tsika, pa-charming na ewan, nirerespeto ko naman ang posisyon niya bilang pro-large class at sinusubukan ko namang hindi makulayan ang pagkakakilala ko sa isang tao batay sa saloobin niya sa mga isyung katulad nito ngunit ang batugan ay batugan ay batugan na pumapanghi pa kung umuusad siya nang dahil sa punyagi ng kanyang kapwa, alam kong may posisyon ka na ngayon sa admin pero subukan mong magpa-charming sa akin, talagang sisingahan kita).
Sobrang saya ko kapag mga naging estudyante ko ang mga titser na nakakakuha ng matataas na grado mula sa kanilang mga klase. Nakiki-grado lang talaga ako, nakiki-summa, alam mo na. Baka lang sakaling mabahiran.
Naalala ko tuloy ang diskarte ng arnisador na si Mang P– at ng ibang mga katulad niya na binigyan ng ranggo ng mga militar upang sanayin ang kanilang mga sundalo sa mga pasikut-sikot ng Filipino Martial Arts. Style ni Mang P– bilang kausap: mamaniobrahin nito ang usapan para dalhin ka sa puntong ikaw pa mismo ang magtatanong kung ano ang kanyang ranggo, tapos saka ka niya sasagutin sa Ingles: “I’m only a private, but my training rank is colonel.” Dalawang ranggo,wow! Pwede pala ‘yun? Tuloy, mapapa-Ingles ka rin: “Huh? What’s the difference?”
Siyempre, pinuruhan muna ako ni Mang P– ng kombo #15 (itago na lang natin sa #15 ang totoong numero ng partikular na kombong ito: pulso, braso, ulo, padoble-sa-ulo, tiyan) bago sinagot ang tanong. Habang minamasa-masahe niya ang kanyang kamay, ngumiti siya, ang kanyang ngiting-asong-ulol, at saka nagwika: Private ang nakasulat sa papel ko, but because I’m training a Colonel, that’s my training rank.
Bata pa ako noon at hindi pa uso ang salitang "Whatever".
Walang ibang nagmamay-ari sa grado ng mga titser. Kanilang-kanila ang summa, dugo't pawis nila iyon, hindi maaaring makipawis sa pawis ng iba. Sana nga’y masaya talaga ako para sa kanila nang walang pag-iimbot at buong katapatan. Kahit tawagin akong kulelat, mukhang tunay na kaligayahan din naman itong nararamdaman ko tungkol sa aking sariling SET. Sabi nga ng iba, “personal high,” isang pariralang tumutukoy sa taas ng antas na kanilang nakamit, sa masayang pakiramdam na may nagawang malaki o maganda o mahusay, o sa layo ng natapos na level sa Brick Game. O sa Angry Run o sa Temple Birds, o sa anumang mainit ngayon sa mga tablets na hinihirang nating cutting edge educational tools, yeah (right)!
Naaalala ko pa ang mga natanggap na payo hinggil sa aking pagtuturo. Marami-rami na ring narinig, hiningi man o hindi, pasulat o pasabi, bukas-palad mang ibinigay o dala lang ng sama ng loob. Sinusubukan kong iproseso ang lahat ng mga payong ito. Isang halimbawa, ang naging payo sa akin ng Vice Chancy for Instruction.
Dati pa ito, unang taon ng pagtuturo, bago pa sina Ma’am R– at yung isa pang sumunod na kasalukuyang nakaupo ngayon, kumukuyakoy. Sinikap ng nakaraang Vice Chancy na kausapin ang lahat ng baguhan tungkol sa mga resulta ng subhetibong bahagi ng SET instrument. Isa lang sa aking mga kakulangan ang pinag-usapan: kahinaan ng boses. Nagrereklamo ang mga estudyanteng nakaupo sa likod dahil hindi raw nakakarating sa kanila ang pipitsugin kong tinig.
Sa pagkakataong iyon, hindi ako nakaramdam ng anumang panghuhusga mula sa VCI. Mahinahon ang boses ng lalake at medyo tahimik din kung tutuusin. Ayon sa kanya, ganun din ang kanyang naging problema noong unang sabak niya sa pagtuturo sa pamantasan. Fresh grad pa lang siya noon, maraming insecurities. Naghanap siya ng paraan sapagkat likas na maliit ang kanyang boses. Sumali siya sa isang choir.
Tuwang-tuwa ako pagkatapos ng miting. Siguro dahil inakala ko’y sesermunan ako o sasabunin o bababanlawan, pero magandang usapan naman pala ang mangyayari. Nagkuwentuhan pa nga kami ni A–, ang aking ex-colleague, exchange notes kumbaga. Sabi ko, ‘yun ang gusto ko paglaki. Kung pasusungkitin man ako ng lugar sa admin, ‘yun na lang, mas gusto ko pa kaysa Chancy o Dean o anupaman. Asar din naman kami sa Chancy at Dean noong mga panahong iyon kaya tama lang.
Siyempre nagbago agad ang isip ko kahit sa VCI na dahil bigla nilang hinati ang isang taong paninilbihan ng temporary faculty, biglang ginawang kada sem, renewal period! Panakot kung panakot, para hindi ka kikilos o magsusulat ng kung ano dahil sa looob lamang ng ilang buwan, puwede ka nang sipain (hindi pa uso ang "Irreplaceable" noon, sa kasawiang palad, nasa "Crazy in Love" pa lang tayo).
Ang dahilan nila, quality control. Nagaganap din naman ang QC kahit isang buong taon ang palugit. Isang semestre lang umiral ang patakarang semestral renewal, agad ding nawala, maaaring dahil sa ingay ng protesta, sa kinalabasan ng mga konsultasyon (umabot sa system ang usapan), malamang din naman na dahil sa lupit lang ng logistics at dami ng miting at paper transfer na kakailanganing maganap sa katiting na semestral break. At malabong walang kinalaman ang idolo ko sanang si VCI. Kahit nagpalit ng admin, lalo lang akong nawalan ng tiwala nang brasuhin ng bagong batch ng mga bosing ang mga constituent para lamang itulak ang full implementation ng large class. Nakakahiya tuloy amining minsa’y nangarap rin akong umupo sa isang opisina doon.
Matutuwa naman siguro si VCI of Christmas Past, retirado man o nasa States, dahil mas ayos na ang aking tinig ngayon, kahit hindi kami talagang magkakilala, sasaglit man ang teaching moment na namagitan sa amin, heto, kahit brownout sa mga Function Hall at Multipurpose Hall, malakas na malakas na ang boses na ito para makapagliksyon, kahit mga bente minutos lang, makapagsingit ng writing prompt sa dilim, makapaghain man lang ng ilang anunsyo, at makapagdismis dahil, sori, hindi raw makararating sina Gng. LCD Projector at G. Airconditioning, at walang lakas si Prop. Microphone at ayaw lumabas sa USB ni Prop. Powerpoint o ni Dr. Keynote o ng kung sinumang hampaslupang OS ang nakalusot sa mga cute na cute na proseso ng bidding (sige sa amin na lang itambak ang mga Snow Leopard na iyan dahil kawawa naman sila, pa-Lion na ang daigdig sa susunod na buwan, heto o Steve Jobs, SLN, ilang pesos galing sa buwis ng mga magulang ng Pilipinas, may kiss pa, ilalagay ba namin sa floating lantern itong mga tseke? O di ba, talagang papanoorin namin sa iyong digital platform ang iyong mga rousing speech, at wala bang infringement kung tawagin naming literary ang iyong quotable quotes? Wala ba kaming freebies diyan maliban sa training mula sa isang patronizing na sales rep? Sabi ko, freebies, yung off the record na freebies. Ha? Ano, talaga? E nasaan? Bakit, kanino mo iniwan?)
Okey lang, huwag indahin ang mga power failure. Public service announcement, dala ng halu-halong laway sa nag-iisang lapel: Hindi katapusan ang brownout ng learning experience. Parating na raw ang mga generator. At matuturuan din natin silang bumulong.
Tinadtad ang mga ideya at isinahog ang kambal-dila para sa salusalong ito. Sana may sustansya. Masimot man o hindi, tanggapin ang aking pasasalamat sa iyong pagtikim.
Abr 28, 2012
Kumpisal ng Gurong Grade Conscious
Abr 21, 2012
Live Within Your Means
I’m a big fan of Live-Within-Your-Means who came over this one time when it was raining, never said yes to the coffee until the heat was on her lip, the smoke beckoning, and who, when she heard me gulping, realized the rain had stopped, had been over and done with perhaps for some time, and suddenly, as if startled by the laughter of children from a house nobody even noticed was there, she said Hi, but was so sorry she couldn't stay a minute longer.
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)