Dahil na rin sa “guho,” nahirapan akong iwasan ang pagbasa rito ng kasalukuyang pamumuksang-lahi sa Gaza. Kung sa ganitong lente babasahin, maraming interesanteng tanong ang uusbong: Sino o ano ang tiyanak? Buhay ba ito o hindi? Alaala? Damdamin? Balita? Kaaway ba ito? Nino? Bakit? Tila aandar ang tula tungo sa iba’t ibang direksyon depende kung paano mo lalamnan ang kuna, kung sino o ano iyong nais bihisan ng “hamog na lampin”.
Paano naman ang “siya” na nagpapadede rito? Bakit kaya hindi tahasang binanggit kung nanay? At kung sakaling hindi siya ang ina, kaano-ano? Bukal ba sa loob o hindi ang pagpapasipsip ng “kaniyang dugo’t puso”? Bakit “walang oyayi, walang pangalan”? Bakit hinayaan tayo sa kagimbal-gimbal na bungisngis, sa berdeng lungad, sa tulog na halos hindi tulog “habang kumikindat-kindat”?
Bukas na bukas ang tulang ito pero lahat ng landas para sa akin ay patungong Gaza, sa kung ano ang ginagawa nito sa atin. Gaano na tayo ka-pamilyar sa maramihan at pang-araw-araw na pamamaslang ng sanggol at kakailanganin pa itong i-defamiliarize? Ano ang implikasyon sakaling sakyan natin ang katuwiran ng tula at ituring na “multong talang nahuhulog” ang mga bomba?
Mukhang ganito nga ang tulang ito para sa akin: tulog na hindi, tatahan, manggigising, tatahan, manggigising. Kahit “walang oyayi” batid natin ang karahasan sa tradisyon ng oyayi: sanggol na mahuhulog sa puno, batang ibebenta pagdating sa bayan, batang kung hindi matutulog ay iiwan sa putikan.
Hindi pa ako tapos sa tulang ito ni Ron. Nais ko pa ring unawain kung paano’t ganito ito kalambing. Samantala, gumagalaw pa rin ito, ngayon mismo—bilang pahiwatig, bilang patuloy na kaganapan, bilang di magkasundo-sundong pares ng mga mata—habang sinusubukan kong isulat. Walang talab ang ano mang pagtatangkang gupitin ang “buhol-buhol nitong pusod.” Sadyang ayaw magpahele.