Kaninang umaga, habang hinahatid sina Noam, Damian, at Maria, makalampas ang tulay na tinaguriang never-ending bridge, napansin namin ang isang lalaking may edad, light brown ang kamiseta at mas maitim na brown ang pantalon. Pinaghihiwalay ang mga pang-itaas at pang-ibaba ng itim na belt bag. Umaakyat ng Forestry ang matanda, mukhang nakapag-warm-up na sa Freedom Park. Maiigsi ang kanyang mga hakbang at may regularidad ang kumpas: mas mabilis kaysa karaniwang lakad ngunit hindi pa matatawag na jogging, walang gaanong talbog. Gusto ko pa siyang pagmasdan kaso nagmamaneho ako at marami pang ibang naglalakad-lakad na baka mailagay sa peligro. Pinag-usapan namin siya saglit ni Pinky bilang “goals”. “Kamukha siya ni Mr. Miyagi.”
Dati ko nang gustong itala ang aking mga kasalukuyang binabasa. Naumpisahan ko na kina Fantauzzo, Laux, at Ordoñez, si CJ at ang IBON praymer, at siyempre ang mga zines. Mga marker lang sana ang mga ito para sa mga hinaharap na engkuwentro at muling pagbasa. Sa palagay ko, hudyat si “Mr. Miyagi” upang magdagdag ng mga muhon:
Una kong naiskor ang so we must meet/apart na collab nina Jesa at Vince Imbat. Salamat (sobra!) kina Ava at Jing, may kopya ako ng Everything is First Person ng aming IYAS mentor na si Sir Vince Groyon. Inayos ni Pinky ang pagbili ng Beckoning Baguio ni Sir Ivan at okey lang kahit na-miss ang 10/10 sale ng dalawang araw. Atats e.
Mukhang nagwo-walking for fitness si manong kaya shoot na agad ang so we must meet/apart kung saan nagsusulatan ang magkaibigan tungkol sa kanilang paglalakad-lakad. Nirerekord nila ang mga layunin, sagabal, at sari-saring obserbasyon habang umuusad sa labas (at dahil mapagnilay, paglalakbay din sa loob). Mukhang ibang-iba ang layunin ni manong (na patuloy kong pinaglalakad paakyat ng bundok ngayon, sa gabi ng aking iisipan). Palagay ko, nagpapahaba ng buhay, nagpapanatili ng nalalabing lakas. Maaaring may 10K step goal. May pagtatapos o kasal dalawa o apat na taon pa sa hinaharap at kailangan siyang makadalo.
Madali ang 10K step goal para kay E—, ang matalik kong kaibigan, dahil sa trabaho niya sa warehouse. Katunayan, kung nakukulangan ako sa “hakbang pangkalusugan” dahil nakakain ng kotse sa pabalik-balik ng hatid-sundo, mahina kay E— ang 15K steps at inaalala na niya ang lagay ng kanyang paa. Pinag-uusapan namin ang lotion. Pinag-iisipan na niya kung mainam at kakayanin (kasi naman, mamahalin! may warranty!) na wool socks.
Nagbibilang din kaya ng hakbang sina Prop. Ivan at Prop. Vince? Solb na sa relo o... manual count? Kapwa kasi silang umamin sa kani-kanilang mga libro na may kakatwa silang predileksyong magbilang nang magbilang. Nagsimula ang sanaysay ni Ivan na “At Least, Some Charm with Numbers” sa “I have some fascination with basic operations with numbers, which I guess I hope do not lapse into the lunatic. When I am in jeepneys, I count the passengers—lima kami nang umalis sa terminal; may pinick-up na dalawa sa store, pito na; tatlo sa highway, sampu na; dalawa sa Chapis, dose na; siyaman ang jeep, may anim pang bakante sa likod, duwa pay jay sango.”
“I wouldn’t want to call it a malady” naman ang pambungad na sugnay ni Prop. Vince sa sanaysay niyang “Ock-Ock”. Nakakaasar daw ito habang nagtatagal at napansin ng mga kasama. Nababawasan ang kanyang pokus at pag-intindi sa naririnig o nababasa. Samantala, iniisip ni Prop. Ivan ang konek ng ganitong mga operasyon sa pagiging malikhain, sa likot ng utak.
Paano kaya kung maging lalo pang detalyado ang step counter sa ating relo at mobile? Ano kaya ang makukuha natin sa datos? Sa ngayon medyo abante na nga, nababasa ng app sa phone ni Pinky maging ang incline angle. Kung real-time din ang pagsukat ng BP at tibok ng puso ng relo, aba’y i-synch na sila nang maging treadmill mo na ang mundo! Sa akin, mas mahalaga ang pagbilang ng hakbang at pagkakategorisa ng mga ito, hal., ilan sa mga hakbang ko ngayong araw ang napunta sa pagsasampay ng damit? Sa pagsampa at pagbaba ng mga bag ng bata? Papunta at paalis sa hapag-kainan? Habang may kasama?
Ilang libo sa mga hakbang ang talagang dedikado sa kalusugan? Ilang daan sa pagtapon ng basura sa labas? Ilang libo-libo ang mga hakbang na hindi inalintana? Samakatwid, ilan ang may kabuluhan, ilan ang walang saysay? Maaaring makatikim pa ako ng pie chart na iyan kung uusad pa ang teknolohiya, mapapahaba ko ang buhay, maitutuwid natin ang lipunan, at maiiiwas ang daigdig sa pagkagunaw: Update: 1,118 of your 9,265 steps were happy.