Tinadtad ang mga ideya at isinahog ang kambal-dila para sa salusalong ito. Sana may sustansya. Masimot man o hindi, tanggapin ang aking pasasalamat sa iyong pagtikim.
Ene 16, 2025
P-trap
Hindi umubra ang sealant ko, kahit binalot pa ng goma ng tirador. Agad kang rumesponde kahit Christmas party ninyo. “Ayoko ring sumayaw.” Pagkatapos ng epoxy at bilin (“hanggang bukas na kayo walang lababo, para sigurado”) hindi ka makaalis dahil sa lakas ng ulan. Sinasagutan namin ang eval form (na binalot mo pa ng plastik at sinakop sa loob ng kamiseta), habang nagkukuwento ka tungkol sa paghuhukay ng septic tank at panghuhuli ng labuyong manok. Siyempre, kuya, 5 lahat ‘yan, sabi ni misis pagkaabot ng eval form. Nagpasalamat ka pero “ma’am, kahit ‘yang 5 nyo pwedeng maging 3 ‘yan. Namamadyik ang performance. May iba silang napipisil sa item.” Dumako tayo sa bonus. Nagliwanag ang mukha mo nang pag-usapan ang mga boss, kung sino ang galante sa regalo. “Nasa mahabang mesa ang lahat, ikaw ang pipili e.” Tumila-tila na noong naroon na tayo sa pag-angkas ng iyong anak sa motor, sa paghatid-sundo. “Basta lahat, sa kanila lang,” bago nagpaalam. Kami ba ang huling trabaho mo, Kuya? Maraming salamat. Natuyo, kumapit. Pinasampung araw ka lang sa bagong taon. Sumalangit Nawa.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento