ni Alexander Nikolaevich Afanasyev
aking salin
Papunta ang Baboy sa simbahan sa Sankt Peterburg, at nakasalubong niya ang Lobo.
“Baboy, o Baboy, saan ka pupunta?”
“Sa Sankt Peterburg, at mananalangin sa Diyos.”
“Nais kong sumama!”
“Halina’t maghuntahan tayo.”
Kaya’t magkasama silang nagpatuloy, at nakasalubong nila ang Alamid.
“Baboy, saan ka pupunta?”
“Sa Sankt Peterburg, kung iyong mamarapatin.”
“Nais kong sumama!”
“Halina’t maghuntahan tayo.”
Magkakasama silang nagpapatuloy nang makasalubong nila ang Kuneho, na siyang nagwika, “Baboy, o Baboy, saan ka pupunta?”
“Sa Sankt Peterburg, upang manalangin sa Diyos?”
“Tamang-tama, at nais kong sumama.”
“Tamang-tama nga, halina.”
Hindi naglaon at nakasalubong nila ang Ardilya, na sumama rin sa kanila. Subalit sa landas nilang ito, nasumpungan nila ang isang malawak at malalim na bangin. Lumukso ang Baboy at nahulog, at pagkatapos niya ang Lobo, ang Alamid, ang Kuneho, at ang Ardilya.
At matagal silang nakaupo roon, at nagutom sila nang husto, sapagkat wala silang makain.
“Magsiawit tayo,” sabi ng Alamid, “at ating kakainin ang hayop na may pinakamaliit na boses.”
Kaya’t kumanta ang Lobo gamit ang garalgal at malalim niyang tinig, Aw, aw, aw! At sumunod ang Baboy na mas mahina lang nang kaunti, Oo, oo, oo! Ngunit mahusay at matinis ang entrada ng Alamid, Ey, ey, ey; samantalang humuni ang Kuneho at iyon ang pinakamahinang Ee, ee, ee sa daigdig. At umawit din ang Ardilya, Ee, ee, ee! Kaya’t agad na nilapa ng mga hayop ang Ardilya at ang Kuneho, at wala tinira sa kanila maliban sa mga buto.
Kinabukasan, nagwika ang Alamid, “Kakainin natin ang hayop na may pinakamalaking boses.” Iyon ang Lobo, at kay lakas ng kaniyang garalgal na Aw, aw, aw! Kaya’t nilapa nila ang Lobo. Kinain ng Alamid ang laman at itinago ang puso at mga lamang-loob. Tatlong araw siyang nakaupo habang kinakain ang mga ito.
At noon siya tinanong ng Baboy: “Ano ang kinakain mo?—bigyan mo ako!”
“Ay, Baboy, sarili kong laman itong kinakain ko. Kagatin mo iyang tiyan mo, at nguyain mo ang iyong sarili.”
Na siyang ginawa ng Baboy, at pinagpiyestahan siya ng Alamid.
Naiwan ang Alamid bilang huling hayop sa bangin.
Nakaakyat na kaya siya, o nananatili pa rin siya roon? Sa totoo lang ay hindi ko alam.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento