Nob 29, 2020

Adbiyento

Mag-iisang buwan ko na ring kilala ang pariralang “doom scrolling” mula sa isang webinar ng DepEd hinggil sa kaigihan ng pag-iisip. Samantala, Banal na Misa kaninang umaga sa Quiapo. Alam nating may mga nakikinig ng sermon na parang nag-iipon ng bala laban sa isang kapwa nilang nakikinig ng sermon.

Sa ulunan ng upuan ng Monsignor, may hanay ng mapupulang anthurium, paskong-pasko ang dating kasama ng mga dahon, at maayos ang pagkakahilig ng mga spadix. Kapag ang “maayos” ay “inayos” hindi raw ito “natural”. Ngunit walang magulo sa altar na ito, o sa homiliya ng nakamaskarang pari, nakalugar ang lahat sa loob at labas, at ang wari ko sa apat na kandila’y mga kalahati ng tungkod, kasama pati ang bakal na takong.

Kinse minutos itong sermon na gaya ng sinabi ko’y walang tikwas at makalipas ang mga pitong minuto, ikinuwento ng pari ang panahon ni Marcos kung saan talamak ang brutal na demolisyon sa mga iskwater upang pagandahin ang lungsod para sa mga dayuhan. Dahil dito, nakiusap ang isang malapit na komunidad sa paaralan ng pari noon. Hinikayat ang mga estudyante na pumasok sa isang rotasyon upang bantayan ang mga natutulog na iskwater. Kapag dumating ang tropa ng mga bubuwag, kailangang patunugin ng nagbabantay ang sirena upang manggising. At nang toka na nitong ngayo’y ating pari, takot na takot siya dahil kapag siya ang naabutan ng tropa, tiyak na makatitikim siya ng mga dos por dos.

Pusod ang kuwentong ito ng sermon kung saan ang huling pangungusap ay “pangalawa, magbantay, maging gising, paghandaan natin, sapagkat Siya’y babalik muli.”

Walang komento: