Nob 29, 2020

Amuse-Bouche

ni Max Ritvo
aking salin


Bihira para sa akin
na kakailanganing tumigil kumain
dahil naubusan na ako.

Kami, sa Kanluran, ay kumakain
hanggang may iba na kaming gustong kainin,
o sadyang gusto na lang naming tumigil sa pagkain.

Maliliit na pinggan lamang ang ginagamit
ng chef ng dakilang kusina.

Tinatapatan niya ako ng isang maliit na pinggan,
batid na gugutumin ako nito
kahit pa may isa pang pinggang
itinatapat sa akin.

Ngunit pinupuksa ng bawat pinggan ang nauna rito
hanggang hindi ko na ikinahahapis ang nasirang pinggan,

at ngumingiyaw na lamang para sa susunod,
panatag ang aking tinig sa alwan at pananalig.

At ang chef ay ang Diyos,
kung kanino ang mga nananalig na tanging hangad ay pagkawasak
ng Kaniyang mga naunang himala upang bigyang-daan
ang mga panibago.

Walang komento: