Nob 6, 2020

Maghintay

ni Galway Kinnell
aking salin


Maghintay muna.
Huwag magtiwala sa kahit ano kung kailangan.
Ngunit magtiwala sa mga oras. Hindi ka ba nila
tinangan kung saan-saan, hanggang sa ngayon?
Ang mga sariling kaganapa’y muling magiging interesante.
Ang buhok ay magiging interesante.
Ang kirot ay magiging interesante.
Ang mga sumisibol nang wala sa panahon ay magiging interesante.
Muling gaganda ang gamit nang mga guwantes;
Mga alaala nila ang nagbibigay sa kanila
Ng pangangailangan para sa ibang kamay. Ang pangungulila
Ng mga mangingibig ay kapares: iyang dambuhalang kawalan
Na inuukit sa kay liliit na nilalang na gaya natin,
humihiling na mapunan; ang pangangailangan
para sa panibagong pag-ibig ay katapatan sa luma.

Maghintay.
Huwag humayo nang masyadong maaga.
Pagod ka. Ngunit pagod ang lahat.
Ngunit walang pagod nang husto.
Maghintay lamang nang kaunti at makinig:
tugtog ng buhok,
tugtog ng kirot,
tugtog ng mga habihang muling nilalala ang ating mga pag-ibig.
Pumaroon upang pakinggan, iyan na lamang ang panahon,
lalong-lalo na upang marinig ang kabuuan ng iyong pagkalalang,
sinanay ng mga lumbay, tugtugin ang sarili hanggang tuluyang mapagal.

Walang komento: