Sa mesa ng kusina nagsisimula ang mundo. Ano man ang mangyari, kailangang kumain upang mabuhay.
Dinadala at hinahanda ang mga handog ng daigdig, inilalatag sa hapag. Ganito na mula noong pagkalalang, at ganito magpapatuloy.
Tinataboy natin dito ang mga manok at aso. Nangngingipin ang mga sanggol sa kanto nito. Nagagasgas ang mga tuhod nila sa ilalim nito.
Dito binibigyan ang mga bata ng mga tuntunin hinggil sa pagiging tao. Dito tayo gumagawa ng mga lalaki. Gumagawa tayo ng mga babae.
Dito sa hapag tayo nagtsitsismisan, inaalala ang ating mga kaaway at ang mga multo ng mga kasintahan.
Kasama nating nagkakape ang ating mga panaginip habang niyayakap nila ang ating mga anak. Kasama natin sila habang tinatawanan ang ating mga kawawa at nahuhulog na mga sarili at habang muli nating binubuo ang ating mga sarili sa hapag.
Itong hapag ang naging tahanan sa ulan, payong sa ilalim ng araw.
Nagsimula at nagtapos ang mga digma sa hapag na ito. Lugar ito upang magtago mula sa anino ng hilakbot. Lugar ito upang ipagdiwang ang kahindik-hindik na tagumpay.
Nanganak tayo sa hapag na ito, at ginayak ang ating mga magulang upang ilibing.
Sa lugar na ito tayo umaawit na may ligaya, may lungkot. Nananalangin tayo dala ng pagdurusa at pagsisisi. Nagpapasalamat tayo.
Marahil sa mesa ng kusina nagtatapos ang mundo, habang tumatawa tayo at umiiyak, sinisimot at huli at matamis na subo.
Tinadtad ang mga ideya at isinahog ang kambal-dila para sa salusalong ito. Sana may sustansya. Masimot man o hindi, tanggapin ang aking pasasalamat sa iyong pagtikim.
Nob 26, 2020
Marahil dito Nagtatapos ang Mundo
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento