Dis 7, 2020

Kuwintas

ni Garous Abdolmalekian
aking salin
sa salin nina Ahmad Nadalizadeh at Idra Novey


Hinggil sa buwan
wala nang natira kundi ang mantsa sa bintana

Sa lahat ng katawan ng tubig ng daigdig
itong nag-iisang patak sa iyong pisngi

At sa haba ng panahong pinipinturahan ng mga hangganan
ang mga tanawing likha ng Diyos
ang tuyong dugo
ay pangalan na lamang ng isang kulay

Sa mga elepante
ang kuwintas sa ating mga leeg
at sa mga balyena
ang hapunan sa ating mga hapag

Bukas ng umaga
papasok ang sangkatauhan sa eskinita
at magtatago ang mga puno
takot na takot
sa likod ng mga maya.

Walang komento: