‘yung dugo sa senakulo at Via Crucis,
pero cornstarch ‘yan at food coloring,
para kang nagluto ng pandikit
pero sinasangkap maging dahon ng Biblia
at itong pang-araw-araw nating isip,
salita at gawa, sali na rin ang balat
nitong mga gumaganap
na kinakagat-kagat ng burillo
kahit pa medyo ginigilid
ng mga centuriones
ang kanilang mga palo
sa kahoy ng krus
at sa hump sa aspalto,
kung gayon,
may totoo nang dugo sa timpla
ng props, may tsismis kung sino
sa aming kumpulan ang labis kung lumuhod,
sino ang pabaya, kanino ang pagmamalaki
ng
hoy a, nagbuhat na ako last year,
nag-abot na kami kahapon,
wala ka sa fasting ng lolo ko,
sino ‘yang nakapaa, balita ko nanalbahe, teka
kanino ba itong naka-sleeveless na AFAM, ang totoo?
Nilalagyan ko ng suka ang pandikit
upang magtagal at hindi amagin
ngunit kaunti lang kasi ayokong mangamoy-asim,
ayan, binitawan na ang Nauuhaw ako,
ayan na ang kamao ng basahan,
sa dulo
ng paminaw ng sinampay,
isinawsaw sa galon ng suka,
halos isuksok na sa duguang mukha, bibig,
kay Malou ba ‘yan hindi naman mukhang kano
sabihin mo tanggalin ang shorpet,
sa Pilipinas lang nakatikim ng simbahan?
Food coloring ba ito kuya?
Wala kaming makuha e, puros dyobus.
Iwas-iwas na lang mahampas sa mata.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento