Ago 2, 2024

Minsan ka ring nangarap para sa lugar na ito

Kahit pumalya ang orasan, sakto ‘yan
 dalawang beses sa isang araw. 

  “Ano ‘yun? Tsamba.” 
 Sige, pero hindi mo maikakala: 

 may mga taong nagmamadaling magligpit. 
May mga taong kulang na lang ay magtirik pa ng kandila. 

Ikaw? Okey, kukuha ka lang ng ilang litrato. 
May susulpot na alaala sa kurdon, lapis, 

 masetera, o hibla ng buhok na iuuwi
 o itatapon. Hindi magmumula sa amin 

 ang makapagpapabagal o makapagpapabilis 
sa iyong huling pagkakalas. 

            ·

   Ngiti at kibit-balikat 
 ang iyong sagot sa “saan ka?” 

Ika’y kikilos, at kikilos din ang araw. 
Sa iyong pag-alis, kamay ng orasan sa aspalto

 ang iyong anino. Tsamba ang saglit
 kung kailan natutukoy nito—

                         kay lamlam na guhit 

 —ang eksakto mong patutunguhan.

Walang komento: