Set 28, 2024

The Reading Nook × Garahe Press

Nakapunta sa unang anibersaryo ng The Reading Nook nitong nakaraang linggo. Dalawang beses pa nga, kaya nadala ang buong pamilya sa pagitan ng mga hatid-sundo (bukod kay Damian, sorry). Narito ang ilan sa naiuwi mula sa unang bisita: 

May ginuguhit si Maria sa tabi niyan, sa guestbook (dilaw na dilaw, kung may pagkakataong silipin). Kasalukuyang hawak ni Elisha ang libro ni Maxine, dati kong estudyante na nakahanap ng mabungang paraan upang ipagsama-sama ang kanyang mga interes sa iisang lugar. Masaya rin akong makita sina R— at P— na nagtatrabaho roon, mga dati ring estudyante (prepandemic at pandemic ARTS 1).  

Kinabukasan, kami naman nina Noam at Pink. Saglit ngunit mahalaga ang muling pagsasalubong namin ng advisee kong si E—. Nag-uwi ako ng apat na zine mula sa Garahe Press pero hindi ko mahanap ang kay X (narito lang ‘yun, kung saan). Nasa dalawang zine na ito ang mga tula ni E— kasama ang mga salita, dibuho, at litrato nina Justin Firmalo, rzg, jevi, at Ash:


Isa sa marami kong paborito ang “Home Remedies” ni E— sa inhabit (2023). Labing-isang segment na pinagbibidahan ng isang kasapi ng mag-anak: father sa unang segment at mother sa ikalawa, habang nasa kabilang dulo, sister sa ikasampu at brother sa huli. May mga piraso ng kuwento na hindi mabuo-buo dahil mas mga sintomas lang ang isinisiwalat. Tipong kuwento, oo, pero sa paraan ng photo album noong araw, noong hard copy pa ito. Sa isang banda, kabaligtaran din ito ng album dahil narito ang mga karaniwang hindi nilalantad, hindi pinapanatiling mga alaala at sentimiyento. 

Kakaiba ang ikalimang segment dahil wala itong tao:

—Flood. Books hang on a makeshift clothesline. Inside the only shelf, medals glint against the glass. Pages start to curl inward as hideously as they dry.

May-akda naman ng a study on spaces (2023) si Lian, dati ko ring estudyante. Sayang at hindi kami nagkita, pero masaya akong malaman na buhay na buhay (at patuloy na malikhain) ang pagkakaibigan nila bilang Garahe Press. 

Maliban dito sa pabalat, may walong litrato ang zine. Mga espasyo rin ang pito sa kanila: mga posteng halos lamunin ng baging, mga nakasisilaw na bubong, ang ibabang kalahati ng pinto. May nag-iisang litratong may tao, at tinatakpan ng bata ang kanyang mukha. May walong pasulat na piyesa at tula ang karamihan. May dalawang kuwento na sa pakiwari ko’y sampayan ng mga litrato at tula: ang ikalawang piyesa na “Abuso ang Haligi ng Pagkababae” at ang ikaanim na “The Best Thing I Did This Year Was Get an Implant.” 

Mahalaga ang pambungad na tulang “displaced” bilang unang piyesa dahil narito ang set-up nitong buhay (at zine) bilang lagalag. Bubuksan ito ng linyang “every year since birth, I move from place to place” at gagalaw tayo tungo sa banda gitna kung saan— 

nothing changed when I graduated and had a partner and got a job 
and changed partners and changed jobs
what is it about spaces that can’t stand me,

·

Naglatag ang Garahe Press sa BLTX at iba pang kahalintulad na ganap. Kasama sila bukas sa Silang Album Release Gig. 

TL



Set 22, 2024

BaƱamos 2025

May mga fireworks habang sinusulat ito. May tugtugan sa may dating munisipyo, sa may dalampasigan, doon mismo kung saan kami binakunahan sa panahon ng mga lockdown. Kaninang umaga, nililinis na nila ang grove. 

Nasa pagitan tayo ng anibersaryo ng paglagda at pag-anunsyo ng Batas Militar (ika-21 at 23 ng Setyembre, 1972). Nagsindi ng kandila ang aking mahal na editor sa kanyang hapag-kainan sa Cavite bilang biktima at kaibigan ng mga biktima. Sinusubukan kong magsulat, ngunit...


Maigsing selebrasyon ang saglit na pakikipagkita sa aking kaibigan at sa kanyang asawa (at may kurot pa rin talaga ang kaligiran) bitbit ang mga regalong aklat ng aming tinitingalang guro. Nakilala nila si misis at ang dalawang bunso. Iilang minuto lang ito, hindi na kami nakaupo, pero naikuwento pa ang naganap na pambubudol. Magdadalawang dekada na rin nang huli kaming magkita nang personal. Kung hindi ako nagkakamali, sa kasal ito ng kaibigang yumao kamakailan, si Jun Sungkit. Tinulaan ko ang mag-asawa noon, “Dalawa” ang pamagat, at baka una ko itong pabigkas na tula. Wala akong kopya nito.

Ikinagagalak ko ring makatanggap ng tula sa DM mula sa isang hinahangaang makata. May eksibit ang aking kapatid sa Italya. Ilan lang ang mga ito, kung tutuusin, sa mga bagay na kailangang ipagpasalamat. Na lagi’t laging kabugkos ng mga kalunos-lunos na bagay. Halimbawa rin siguro ng ganito ang mga pulitikal/di-pulitikal na ganap sa pista ng PeƱafrancia.

Bukas may transport strike. May mga abiso na ng walang pasok para sa ilang eskuwela ng Maynila at Cavite. Kami naman ay maaga-agang awas, ayon sa Malakanyang:


Hindi (pa?) para talikuran ang mga pagdiriwang. Kailangan ang ligaya kahit pinaliligiran at nagmumula sa mga tinakot, piniit, at pinagdusa. Kung nais harapin at himayin ang salimuot, tara! Kung hindi kaya sa ngayon, oks, pahinga muna. Piliin lang ang masasayang misteryo... o ang malulungkot na misteryo, alinman ang mas napakikiramdamang totoo sa kasalukuyan.  

Maligo sa kalye at/o magsindi ng kandila.

Set 21, 2024

Budol Gang

Hiwalay ko na itong mensahe. Para hindi masyadong puno sa kabilang chat. Kuwento lang. Grabeng takot namin sa Rural kagabi. Nung isang araw lang, Huwebes yata, bullying ang ganap. Hindi mo akalaing may mas matindi pang mangyayari... at sa parehas na baytang! 

Ibang bata na ito, iba pa siya sa binully. Pag-uwi sa bahay, hapon ng Biyernes, may sinagot na tawag ang bata sa landline. Kesyo may nangyari sa nanay niya. Kinuha ng bata ang mga alahas ng lola at biglang sumabak sa commute (hindi pa siya nagko-commute sa buong buhay niya! Grade 8 lang!). 

Mga anim na oras yata bago nakuha ulit ang bata. Sa Lawton, men. Parang isinakay ang bata sa bus pabalik. Walang naaalala e. May hypnosis sigurong naganap? 


Bukod pa sa pinoproblema nating pulitikal na pagdukot, napapadalas rin ang ganitong mga missing persons ano? Tas hindi kasi lahat nakakauwi ng buhay e. May sinusubaybayan kaming kaso ng mga nawawala, nung Lunes o Martes yata, dalawa silang bata at pero isa lang ang naibalik, buhay. Nakasako na ang isa.

Buhay na buhay na modus itong budol. Lumalabas ang mga istorya sa comments section. Pati sa mga GC namin, may first-hand account na (sa kabutihang palad) naudlot. Sabi ng isang nanay, nakatanggap din ng tawag ang anak, umiiyak na ito at nasa labas na, may bitbit nang pera. Nagkataong nasalubong ng nanay sa daan ang bata na nakikinig sa phone, at yun nga, naiyak. 

Ayun nung marinig siguro na may ibang boses na sa linya, biglang end-call. 

Iniisip ko kung nakaimpluwensya kaya sa kinalabasan ang ginawa naming pag-iingay. Hindi yata. Siguro dagdag impormasyon na lang din? Sana maglabas ang Ruralite at Perspective ng ulat ano? OVCSA? Mga bilin na rin siguro mula sa mga eksperto, yung marami nang nakitang kaso. O kung pwede, yung may nakausap na mambubudol! Para alam natin kung paano sila pumipili ng targe

Kumusta ba dyan sa lugar ninyo?

Bawas ang alerto sa bisperas ng anibersaryo

Set 13, 2024

Paruparo sa pagitan ng Tanay at Antipolo

Hanggang baywang na raw ang tubig
 sa paanan ng inyong burol. 
Kumusta na kaya ang mga traysikel, 
ang katayan ng baka, 
ang nagbebenta ng kahoy na duyan. Ay, 
ang paborito ninyong kapihan 
at sila roong nabigla nang ibalita ni Ma
 ang inyong pagpirmi sa malapit na burol. Tiyak
 naanod na sila ng panahon,
 nakalikas na sa mga susunod nilang silid. 
Manatili sana silang ligtas, ano?
 Hindi na para maglimas 

o maghukay. Buong araw, pustahan, 
wala ni isang nagtitirik ng kandila. 
Tumigil din ba ang operasyon,
 ang pangangalbo sa tuktok ng iyong burol? 
 Ang ingay ng trosong isinasampa sa trak, 
ng makikisig na batong tinitipak?
 Kitams? Ang sistema ng quarry at haven:
 pagkakakitaan ang tuktok,
 babahain ng trahedya ang paanan, iaakyat,
 tutugtugan, at ilibing sa kalagitnaan.

 Dati, tinutunghayan ninyo sa radyo
 kung may pasok kami o wala. Samantala, binabatikos
 sa AM ang pangwawasak sa hininga
 at mapanghigop na depensa ng mga bundok.
                                               Bahagi na ho kayo 

 maging nitong pahina habang tutok kami sa senyal,
 may pasok ba ang mga apo ninyo bukas.
 May laban ba kami.

Set 7, 2024

Ikaanim sa pitong balaraw

Pinakamahalagang araw sa buhay 
Ang hinarap ng hindi ilan kundi lahat ng mga dakilang yabang 
Sa linyang “hay 

 Ang mamatay sa nipis ng kanyang bisig…” 
   1. Na hindi ka nag-iisa  
    2. May siya 

     3. Sasaluhin ka 
      4. Wala siyang mas mabuting gamit 
Sa kanyang mga kamay 

 Sa halip, ito ang ibig 
Buong-puso ang pananaginip 
Sa walang-habas niyang pagsasakasangkapan

 Sa matinding sarili 
Walang ititira sa mga anggulo ng kanyang braso
 Balikat, mga tansong daliri 

 Kung paano nila sinasakop ang hangin, espasyo— 
Mga muwestra nilang sang-ayon sa huwisyo
 Ang napakaraming ina sa mga linya niyang sinasagad

 Sa anumang maisip, bawat langit at ihip; sa huli 
Ang maluwalhating puwang na kaingat-ingat at kayakap 
Sa pinakamabuting gabi