Set 28, 2024

The Reading Nook × Garahe Press

Nakapunta sa unang anibersaryo ng The Reading Nook nitong nakaraang linggo. Dalawang beses pa nga, kaya nadala ang buong pamilya sa pagitan ng mga hatid-sundo (bukod kay Damian, sorry). Narito ang ilan sa naiuwi mula sa unang bisita: 

May ginuguhit si Maria sa tabi niyan, sa guestbook (dilaw na dilaw, kung may pagkakataong silipin). Kasalukuyang hawak ni Elisha ang libro ni Maxine, dati kong estudyante na nakahanap ng mabungang paraan upang ipagsama-sama ang kanyang mga interes sa iisang lugar. Masaya rin akong makita sina R— at P— na nagtatrabaho roon, mga dati ring estudyante (prepandemic at pandemic ARTS 1).  

Kinabukasan, kami naman nina Noam at Pink. Saglit ngunit mahalaga ang muling pagsasalubong namin ng advisee kong si E—. Nag-uwi ako ng apat na zine mula sa Garahe Press pero hindi ko mahanap ang kay X (narito lang ‘yun, kung saan). Nasa dalawang zine na ito ang mga tula ni E— kasama ang mga salita, dibuho, at litrato nina Justin Firmalo, rzg, jevi, at Ash:


Isa sa marami kong paborito ang “Home Remedies” ni E— sa inhabit (2023). Labing-isang segment na pinagbibidahan ng isang kasapi ng mag-anak: father sa unang segment at mother sa ikalawa, habang nasa kabilang dulo, sister sa ikasampu at brother sa huli. May mga piraso ng kuwento na hindi mabuo-buo dahil mas mga sintomas lang ang isinisiwalat. Tipong kuwento, oo, pero sa paraan ng photo album noong araw, noong hard copy pa ito. Sa isang banda, kabaligtaran din ito ng album dahil narito ang mga karaniwang hindi nilalantad, hindi pinapanatiling mga alaala at sentimiyento. 

Kakaiba ang ikalimang segment dahil wala itong tao:

—Flood. Books hang on a makeshift clothesline. Inside the only shelf, medals glint against the glass. Pages start to curl inward as hideously as they dry.

May-akda naman ng a study on spaces (2023) si Lian, dati ko ring estudyante. Sayang at hindi kami nagkita, pero masaya akong malaman na buhay na buhay (at patuloy na malikhain) ang pagkakaibigan nila bilang Garahe Press. 

Maliban dito sa pabalat, may walong litrato ang zine. Mga espasyo rin ang pito sa kanila: mga posteng halos lamunin ng baging, mga nakasisilaw na bubong, ang ibabang kalahati ng pinto. May nag-iisang litratong may tao, at tinatakpan ng bata ang kanyang mukha. May walong pasulat na piyesa at tula ang karamihan. May dalawang kuwento na sa pakiwari ko’y sampayan ng mga litrato at tula: ang ikalawang piyesa na “Abuso ang Haligi ng Pagkababae” at ang ikaanim na “The Best Thing I Did This Year Was Get an Implant.” 

Mahalaga ang pambungad na tulang “displaced” bilang unang piyesa dahil narito ang set-up nitong buhay (at zine) bilang lagalag. Bubuksan ito ng linyang “every year since birth, I move from place to place” at gagalaw tayo tungo sa banda gitna kung saan— 

nothing changed when I graduated and had a partner and got a job 
and changed partners and changed jobs
what is it about spaces that can’t stand me,

·

Naglatag ang Garahe Press sa BLTX at iba pang kahalintulad na ganap. Kasama sila bukas sa Silang Album Release Gig. 

Walang komento: