Okt 18, 2024

Tulang pinilas mula sa p.6 ng IBON praymer

Tingala ang sahod sa presyo ng bilihin.
Kaya kayod paitaas (pasalamat at empleyado).
Kapag nagsimula nang magtrabaho,
habang-buhay ka na sa empleyo.
Kung magbibitiw, may trabaho pa rin

ayon sa ekonomistang nakalukok:
Trabaho mo ang masiraan ng loob.
Walang suweldo ngayon, siya sige,
pero nagkasuweldo ka na kasi dati: touch move.
Trabaho ang magsisi—ang kapal ng mukhang umalis,

ni hindi nagtiis (o inalis at hindi tiniis).
Pagbutihin! Baka sakaling makakabawi bukas
makalawa sa mga pinagkakautangan.
Trabaho ang umasa. Tumanggap ng suhol na nagbihis
-ayuda. Magbanat ng boto.

Naghanap ka ng mas maayos na trabaho, sapat na kita,
at katrabahong hindi balat-kayo. Kasalanang mortal,
pero sa bansa... hindi ka unemployed!
May halaga ka, bahagi ka ng komunidad,
kabilang sa masasayang numero!

Ikinatataas ng noo natin—kahit
kanino
—ang punyagi ng iyong pagkalugmok.



Walang komento: