Nob 11, 2024

Nika

Naghanda kami sa bagyong Nika kahit kakaunti ang ulan at halos walang hangin. Mabuti na ang sigurado. Sinuspinde ng gobernador ang mga klase sa lahat ng antas kahit nasa TCWS #1 lamang ang Laguna. Dahil kaya hindi pa naghihilom sa Katrina? Hindi pa tiyak na tiyak sa mga estruktura? Gaya rin lang siguro namin, nanigurado. Baka tama lang dahil tuloy pa rin ang pagkumpuni sa mga kable. May mga kumpol pa ng mga retasong troso sa mga sidewalk. Walang tigil ang pag-iimis, pero marami-rami pang kalat na maaaring maging problema. At sa loob pa lamang ito ng kampus.

Sa labas, hindi pa tapos ang pamimigay ng yero sa mga nasiraan ng bahay. Hindi pa nga alam ng mga kuwalipikado tumanggap kung yero talaga ang iaabot o peperahin lang. Basta hindi raw hihigit sa dalawang pirasong yero.

Samantala, ang pagsuspinde ay gaya ng nakasanayan kong diskarte bago ang pandemya. Walang asynchronous-asynchronous, walang kahit anong kondisyones. Hindi ko alam kung pinagsisisihan ang pagsuspinde dahil naging kalmado ang panahon sa Laguna. Nangyayari na naman ito dati. Hindi pa rin 100% ang ating pagkilala sa lagay ng panahon.

Pumaitaas ang bagyo kaya napupuruhan ang mga kababayan natin sa Norte kahit katatapos lang nila kina Leon at Marce. At naku, may dalawa pang parating! Kung sakali, papangalanan silang Ofel at Pepito.


Ngayon ko lang naalala na Nika rin ang pangalan ng bida sa binabasang nonfiction ni Laurel Fantauzzo. (Salamat ulit kay Pau!) Kaka-landing ko lang sa pahina 100 at sa puntong ito, mas kilala ko si Alexis, ang bidang lalaki. Kaya rin siguro hindi ko agad naikonek sina NikaPH at Nika Bohinc. O sadya ko yatang iniiwasan ang pagsentro ng trahedya ng magkasintahan sa aking pag-iisip habang may hinaharap na mga peligro.

Samantala, may pasok na bukas at kailangang maghanda sa hatid-sundo. Martes ang pinakamaraming pabalik-balik. Kung matino-tino ang panahon, tingnan natin kung maipagpapatuloy ang labada. Pati na rin ang pagsasaayos sa bakuran. 

Walang komento: