Ene 24, 2025

Tilaok ni Boris

Bago magsimula ang ikalawang semestre, pag-isipan sanang magboluntaryo sa Ugnayan ng Pahinungód! Narito ang aking karanasan nitong nakaraang semestre. Salamat po sa Filipino Writers sa paglathala :)



  __________________________________________ 

MGA SIPI 
1. Hindi ginamit ang mga tunay na pangalan ng mga kalahok. Tinago ang lokasyon ng paaralan. 
2. Bagamat dati nang nakatrabaho ang Ugnayan ng Pahinungód UPOU, ito ang una kong karanasan bilang volunteer storyteller para sa kanilang Read Aloud Program. 
Patuloy sana ang tagumpay nila at ng kanilang mga katuwang na paaralan. 3. Sinulat ni Rebecca T. Anonuevo at ginuhit ni Ruben De Jesus ang librong 𝘈𝘯𝘨 𝘔𝘢𝘩𝘪𝘺𝘢𝘪𝘯𝘨 𝘔𝘢𝘯𝘰𝘬. Kabilang sa nilalaman nito ang tatlong linya: “Paglaki ko, ako naman ang magtuturo / Sa mga mahiyaing batang manok / Kung paano ang pagtilaok.”

Ene 16, 2025

P-trap

Hindi umubra ang sealant ko, kahit binalot pa ng goma ng tirador. Agad kang rumesponde kahit Christmas party ninyo. “Ayoko ring sumayaw.” Pagkatapos ng epoxy at bilin (“hanggang bukas na kayo walang lababo, para sigurado”) hindi ka makaalis dahil sa lakas ng ulan. Sinasagutan namin ang eval form (na binalot mo pa ng plastik at sinakop sa loob ng kamiseta), habang nagkukuwento ka tungkol sa paghuhukay ng septic tank at panghuhuli ng labuyong manok. Siyempre, kuya, 5 lahat ‘yan, sabi ni misis pagkaabot ng eval form. Nagpasalamat ka pero “ma’am, kahit ‘yang 5 nyo pwedeng maging 3 ‘yan. Namamadyik ang performance. May iba silang napipisil sa item.” Dumako tayo sa bonus. Nagliwanag ang mukha mo nang pag-usapan ang mga boss, kung sino ang galante sa regalo. “Nasa mahabang mesa ang lahat, ikaw ang pipili e.” Tumila-tila na noong naroon na tayo sa pag-angkas ng iyong anak sa motor, sa paghatid-sundo. “Basta lahat, sa kanila lang,” bago nagpaalam. Kami ba ang huling trabaho mo, Kuya? Maraming salamat. Natuyo, kumapit. Pinasampung araw ka lang sa bagong taon. Sumalangit Nawa.