Hun 23, 2025

Normal ang mga baldado at ulila

—Sapat sana ang dala ng mga trak para sa apat na buwan ng pagkain, tubig, at gamot. Trak-trak, ilang milya lamang ang layo, at handa pang mas ilapit sa mga gutom at may sakit! Sa halip, pinalalakad ang mga namatayan ng ilang oras tungo sa mga siksikang pila upang kuyugin ng mga tangke. 
—At tataas ang ating krudo. May bago ka bang sasabihin? 
—Araw-araw tayong pinaniniwala sa kasamaan ng tao. 
—May nagbago ba sa iyo? 
—Dati na bang presinto ang asul na tala? 
—Kung apektado ang bilihin, e di lalong kakayod. So bakit aksaya ka sa oras? 
—Paano kung ito talaga tayo? Bigyan mo ng baril, babarilin ang aso. Bigyan mo ng bomba… 
—Subukan mo kayang huwag mandamay. 
—Na ito tayo. Manalig ka, ito talaga tayo. 
—Kung may mapapainom lang sana sa iyo. Cobra o pills. 
—Pinagpala siya, ang hindi nakikiupo sa sofa ng mga pahamak. 
—Kung ramdam mo lang ang pamimigat ng iyong mga hita sa mga biyaya… 
—Kay linis na puti, anim na tilos na kay bubughaw. 
 —Hindi ka lang tinitiis dito ha? Minamahal ka. Tatak ang mukha mo sa unan namin. 
—Kakulay ng payapang langit ang sagisag ng alambreng tinik. 
—Maging magiliw ka naman! Nadadownload ‘yan. Matutong magpasalamat. 
—Ang sigaw sa batang mabagal kumain, “hoy, sa Gaza nagugutom ang mga tao.” 
—Sa Gaza, patibong sa bata ang de lata. Granadang easy open can ang Diyos. 
—Handang-handang ilapit sa gutom, uhaw, at may kapansanan.

Walang komento: