Mar 23, 2020

share—gram


Mga Aksidente

ni Russell Edson
aking salin


Natanggal ng barbero ang isang tenga. Nakahiga ang tenga na para bang bagong panganak sa sahig, sa isang pugad ng mga buhok.

Ay, sabi ng barbero, pero malamang naging mabuting tenga iyan, at sadyang natanggal nang halos walang imik.

Hindi rin, sabi ng kostumer, laging puno ng luga.

Sinubukan kong lagyan ng mitsa para matunaw ang luga, at nang sa gayo'y tahakin ang landas tungo sa musika. Ngunit nang sinindihan ko'y nagliyab ang buong ulo ko. Kumalat pa sa singit ko at kilikili, at sa isang malapit-lapit na gubat. Pakiramdam ko'y isa akong santo. May nag-akalang isa akong henyo.

Kampante na ako, sabi ng barbero, kaso, hindi pa rin kita mapauuwi nang iisa na lamang ang tenga. Kailangan ko ring tanggalin ang isa. Pero huwag kang mag-alala, lalabas itong aksidente.
Sang-ayon sa kahilingang maging patas. Ngunit siguraduhin mong aksidente, ayokong sinadya mo akong gupitin.

Baka gilitan na lang kita ng leeg.

Pero siguraduhin mong aksidente.

dig—fish


Mar 21, 2020

Pagtuklas

ni Wisława Szymborska
aking salin


Sumasampalataya ako sa dakilang pagtuklas.
Sumasampalataya ako sa taong makatutuklas.
Sumasampalataya ako sa takot ng taong makatutuklas.
Sumasampalataya ako sa mukha niyang mamumuti,
sa kaniyang hilo, sa pamamawis ng kaniyang bibig.
Sumasampalataya ako sa pagsusunog ng kaniyang mga sipi,
susunugin hanggang maging abo,
susunugin maging ang huling piraso.
Sumasampalataya ako sa pagsambulat ng mga numero,
ikinakalat nang walang pagsisisi.
Sumasampalataya ako sa pagmamadali ng tao,
sa katumpakan ng kaniyang mga kilos,
sa malaya niyang pag-iisip.
Sumasampalataya ako sa pagwasak ng mga tapyas ng bato,
sa pagbuhos ng mga likido,
sa pagpawi ng mga rayos.
Nananalig akong mahinusay itong magtatapos,
na hindi pa huli ang lahat,
na magaganap ito na walang mga saksi.
Tiyak akong walang makaaalam ng nangyari,
hindi ang kabiyak, hindi ang dingding,
ni hindi ang ibong maaaring kumanta.
Sumasampalataya ako sa pagtangging makasangkot.
Sumasampalataya ako sa nasirang karera.
Sumasampalataya ako sa nasayang na mga taon ng trabaho.
Sumasampalataya ako sa lihim na dinala hanggang libing.
Para sa aki’y pumapailanglang itong mga salita lagpas sa mga batas
at hindi naghahangad na masuhayan ng mga totoong halimbawa.
Matibay ang aking pananalig, bulag ito at walang sandigan.