Okt 19, 2020

Maling Dako ng Ilog

ni Stanley Plumly
aking salin


Pinagmasdan kita sa maling dako
ng ilog, kumakaway. Mayroon kang pilit
na sinasabi sa akin. Ginamit mo kapwa kamay
at medyo patakbong nagpapabalik-balik
na parang sinasabing tumingin ka sa likuran mo, hala
sa likuran mo.
Nais ko ring kumaway.
Kaso nagsimula ka nang sumigaw at hindi ko
gustong isipin mong naiintindihan kita.
Kaya wala akong ginawa kundi tumindig
at naisip kong iyon ang tamang gawin sa maling dako
ng ilog. Paglao’y ganito ka na rin.
Matagal tayong tumayo nang ganoon. At
nagtaas ako ng kamay, na parang nagpapatawag,
at nagtaas ka ng kamay, na parang sa katulad na tanong.

Walang komento: