ni Kimberly Blaeser
aking salin
Dahil ang kaliitan ng ating kalikasan
ang tangi nating kadakilaan.
Dahil nasa silid ako isang gabi
at nakinig hanggang iisa na ang tibok ng puso.
Dahil nitong nakaraang mga taon
aking sinusuot at sinusuot hanggang halos mapudpod
ang mga itim na sapatos na pamburol.
Dahil ang muwestra ng mga huling salita’y
parehas lang ang ibig sabihin at hindi malaking bagay
kung sino ang uusal sa kanila.
Dahil pananalig paniniwala magpasawalang-hanggan
ay mga salita lamang, hindi bagay.
Dahil naglalaho ang mga bagay,
parati at sa kalaunan.
Dahil ang kilos ay hindi bagay
kundi enerhiya
na kapag inilaa’y nagbabago ng kalikasan.
At kung pagbabago rin ng kalikasan ang kamatayan,
maaaring may halaga ang kilos.
At kung lupain ng kawalang-alam ang kamatayan,
maaaring mainam itong nakikipamuhay tayo sa kawalang-katiyakan.
At kung gubat-gubat na lupain ang kamatayan,
mainam na matutunan ang mga puno.
At kung kaharian ang kamatayan,
mainam na ugaliing maglingkod.
At kung banyagang estado ang kamatayan,
kailangang luwagan ang katapatan sa isang ito.
At kung iiwan ng kaluluwa ang katawan,
nararapat na magsanay sa pamamaalam.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento