Amoy-halaman pa rin ang kamay ko. Kakabunot ito ng mga mamula-mulang homalomena. Nakikiagaw kasi sa hydrangea sa gulong. Nasa labas ng gulong ang homalomena pero nakuhang isuksok yung mga ugat niya sa loob. Si Dad ang nagdala rito ng halaman, at maganda rin talagang may pula, pero madali naman iyang mabuhay, magtira ka lang ng kaunting ugat, maya-maya may lilim na naman ang mga hydrangea.
Grabe pala ang pinagdaanan ng hydrangea. Matagal ko na rin itong hindi natutukan kahit laging napapansin tuwing nagtatapon ng pinaglagaan ng kape at pinagbalatan ng itlog. Alam kong nakikiagaw ang homalomena at yung mga anak-anak ng palmera—at na sila sa huli ang mananalo—pero antindi pala ng laban! At may namamahay pang hantik sa isang kumpol ng mga dahon. Buti buhay pa ang hydrangea, sa totoo lang. At nakuha pang mamulaklak.
Hindi kaya tumulong din ang homalomena kaya hindi masyado nabilad ang hydrangea? At nabawasan ang nasalong buto ng gulong nito mula sa mayabong na palmera?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento