Ipinapakita ang mga post na may etiketa na simic. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na simic. Ipakita ang lahat ng mga post

Set 17, 2021

Mga Pakwan

ni Charles Simic
aking salin


Luntiang mga Buddha
Sa prutasan.
Kinakain natin ang ngiti,
Dinudura ang mga ipin.

Hul 2, 2012

Ang Silid na Puti

ni Charles Simic
aking salin*


Mahirap patunayan ang halata.
Mas pinipili ng nakararami
Ang kubli. Maging ako.
Pinakikinggan ko ang mga puno.

Mayroon silang lihim
At sandali na lamang bago
Ibunyag ito sa akin,
Nang kanilang binawi.

Dumating ang tag-init. Bawat puno
Sa aking kalsada'y may sariling
Scheherazade. Ang aking mga gabi,
Naging bahagi na ng kanilang mailap

Na kuwentuhan. At kami'y
Pumapasok sa mga madidilim na bahay,
Parami nang paraming madidilim na bahay,
Panay tahimik at pinabayaan.

May isang taong nakapikit
Sa isa sa mga matataas na palapag.
Dahil sa pag-iisip dito, dahil sa pagkamangha,
Hindi ako makatulog-tulog.

Hubad at malamig ang katotohanan,
Ang sabi ng babaeng
Palaging nakasuot ng puti.
Hindi siya gaanong lumalabas ng silid.

Itinuro ng araw ang isa o dalawang
Bagay na buong nakaligtas
Mula sa mahabang gabi,
Mga pinakasimpleng bagay,

Na mahirap patunayan sapagkat halata.
Hindi sila nag-iingay.
Iyon ang tipo ng araw
Na itinuturing na "tamang-tama."

Mga diyos na nagkukunwari
Bilang mga itim na aguhilya? Isang salamin?
Paynetang nakulangan ng isang ipin?
Hindi! Hindi ganito.

Basta ang mga bagay at kung paano ang mga ito,
Hindi kumukurap, walang kaimik-imik
Sa maliwanag na ilaw,
At ang mga punong naghihintay sa gabi.




NB: Nirebisa ang salin na ito pagkatapos kong mabasa ang adaptasyon ni Acuña.

Hun 16, 2012

Isang Maliit na Kung Ano

ni Charles Simic
para kay Li-Young Lee
aking salin


Maliit ang pag-asang mahanap pa iyon.
Para bang tinawag ka ng isang babae
At hiningan ng tulong upang hanapin
Ang nawala niyang perlas sa kalsadang ito.

Maaaring inimbento lang niya ang lahat,
Maging ang mga luha, sabi mo sa iyong sarili,
Habang naghahanap ng perlas sa iyong talampakan,
Nag-iisip, Kahit pa isang milyong taon . . .

Isa lamang ito sa mga hapon ng tag-init
Kung kailan kailangan ng magandang dahilan
Upang iwanan ang lamig ng lilim.
Samantala, ano na kaya ang nangyari sa babae?

At bakit, taon na ang nakalipas, ganyan ka pa rin,
Panaka-nakang tumititig sa lupa
Habang nagmamadaling dumalo sa kung anong miting
Kung saan nakatitiyak ka nang ikaw ay mahuhuli?