Hun 17, 2012

Ang Regalo

ni Li-Young Lee
aking salin


Upang mahugot ang salubsob na bakal mula sa aking palad
nagkuwento ng aking ama, malalim ang kanyang tinig.
Pinagmasdan ko ang kaaya-ayang mukha, hindi ang talim.
Bago pa natapos ang kuwento, kanya nang natanggal
ang bakal na tasok, ang inakala kong ikamamatay ko.

Hindi ko na maalala ang kuwento,
ngunit dinig ko pa rin ang kanyang boses, isang balon
ng maitim na tubig, isang dasal.
Natatandaan ko rin ang kanyang mga kamay,
dalawang takda ng pag-iingat
na inilapat sa aking mukha,
mga liyab ng disiplina
na pinag-alab sa tuktok ng aking ulo.

Kung nakapasok ka noong hapong iyon,
aakalain mong nakakakita ka ng lalakeng
nagtatanim ng kung ano sa palad ng isang bata,
isang pilak na luha, isang munting ningas.
Kung nasundan mo ang bata
dito ka sana nakarating, kung saan ako nakayuko,
tutok sa kanang kamay ng aking asawa.

Masdan ang aking paggagad sa kuko ng kanyang hinlalaki,
napakaingat upang wala siyang maramdamang sakit.
Panoorin mo habang hinuhugot ko ang salubsob.
Pitong taong gulang ako noong
hinawakan ng aking ama ang kamay ko nang ganito,
at hindi ko kinuha ang tasok na iyon
sa pagitan ng aking mga daliri at inisip
Bakal na maglilibing sa akin,
bininyagang Munting Asesino,
Aserong Palalim nang Palalim sa Aking Puso.
At hindi ko itinaas ang aking sugat upang isigaw,
Dito dumalaw si Kamatayan!
Ginawa ko ang ginagawa ng bata
kapag nakatanggap ng isang handog.
Humalik ako sa aking ama.