Ipinapakita ang mga post na may etiketa na singh. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na singh. Ipakita ang lahat ng mga post

Ene 16, 2021

Mula sa “Ang Katawang Arkibo”

ni Julietta Singh
aking salin


Matalik kong kaibigan at kababata si P na isang pilyang arkibista ng sarili niyang kasaysayan at pinag-iingatan ang lahat ng kaniyang iniibig. May mga sadyang pangkaraniwang bahagi ng arkibong naglalaman ng mga lumang mensahe sa awtomatikong panagot, litrato, sipi ng pag-ibig. Ngunit may mga kakatwang bagay rin, gaya ng isang kulot na bulbol mula sa katawan ng lalaking kasama nang mawala ang kaniyang pagkabirhen. Sumabay ito nang tawirin niya ang dalawa at kalahating dekada ng kaniyang buhay. Kasama niya itong bumibiyahe. Maaari nga nating sabihing naging bahagi na niya ito. Kahit man lang bilang materyal na senyal ng sandali kung saan buong katiyakan niyang nabatid na binubuksan ang kaniyang katawan at inilalantad ito sa panlabas na daigdig.

Dis 7, 2020

Mula sa “Magnanakaw, Pagnanasa”

ni Julietta Singh
aking salin


May dalawa man lamang na paraan upang unawain ang pagsibol ng pagnanasa: una, sa pamamagitan ng saglit, kapag may kung anong nag-iba at ang iyong paraan ng pagkilos at pagtugon, ang iyong paraan ng pagbabali-baligtad ng mga bagay-bagay ay nagtamo ng pansaligang pagbabago. Susunod, sa pamamagitan ng pag-iipon, kung paanong sa haba ng panahon at patuloy na pag-uulit, hinihila tayo ng ating mga kasaysayan sa mga natatanging gawi at paraan ng pagdama at pagnanasa. Ang nais ko ay ang ideya ng arkibo. O, mas tumpak, ang ideya mismo ng kung ano ang maaaring ihain ng isang arkibo. Kahit batid kong itong aking pagnanais para sa arkibo ay mula sa matagal na pag-iipon, hinaharaya ko ito bilang tangi at nag-iisang saglit.