Hul 31, 2012

Sipi mula sa mga kuwaderno

ni Simone Weil
aking salin


Iyong mga bagay lamang na may kinalaman sa inspirasyon ang mas mainam na maantala. Iyong mga bagay na may kinalaman sa likas na tungkulin at pagpapasya ang hindi maaaring maantala.

Talumpating Walang Lagda

ni Jorge Carrera Andrade
aking salin


Mga kasama: Itinayo ang daigdig yari sa ating mga namatay
at ang ating mga paa ang naglatag ng mga kalsadang-bayan.
Ngunit sa ilalim nitong langit nating lahat, wala ni dipa ng anino
para sa ating mga nagpamukadkad sa mga simboryo.

Ang tinapay, pulang apo ng manghahasik, ang atip—
tila dahon-dahon ng luwad at araw na sa mag-anak ay takip—
ang karapatang magmahal at maglakad, hindi ito sa atin:
Sa sarili nating buhay, tayo'y mga mangangalakal ng alipin.

Kaligayahan, ang karagatang hindi pa natin nakikita,
ang mga lungsod na hinding-hindi na natin mabibisita
ay bitbit natin sa ating mga kamao, tila mga bungang-kahoy,
ipinamamalita ang pinakamahalagang ani nitong panahon.

Ito lamang karapatang mamatay, mga kasama ng mundo!
Sandaang kamay ang naghahati-hati sa mga alay ng Globo!
Ito ang panahon upang ihagis ang sarili sa mga kalye't plaza
nang ating matubos ang Obra na tayo mismo ang gumawa.

Hul 28, 2012

Historical Consciousness

At the end of time, God called upon Solomon.

"What gave life value? Wisdom or youth?"

Solomon replied, "Youth."

"A wise answer."

"But I could have spoken the same words when I was young."

"At that time," said God, "those words would have been a foolish thing to say."

Sipi mula sa Œuvres completès

ni Simone Weil
aking salin


Nakatanggap ng liham ang babaeng Pranses na nagsasabing: napatay na ang iyong anak. Kung hindi siya marunong mag-Ingles, may epekto sa kanya ang liham. Kung marunong siyang mag-Ingles, may iba pang bunga (halimbawa, siya’y mahihimatay). Kung gayon, sa pamamagitan ng pagtuto, maaari nating baguhin ang kapangyarihan ng mga pakiramdam na baguhin tayo.

Ang Diyos ng Digmaan

ni Stephen Spender
aking salin


Bakit hindi magawa niyong mabuti,
Mapagkawanggawa, mapangyayari,
Mapangwakas na kalapati ang manaog?

At niyong trigo na mahati?
At niyong mga sundalo na mapauwi?
At niyong mga hadlang na matungkab?
At niyong mga kaaway na mapatawad?
At na wala nang paghihiganti?

Sapagkat ang manlulupig
Ang bitktima ng sarili kapangyarihang
Nagpapanday ng kanyang kalooban
Mula sa takot sa naunang takot:
Ginugunita niya ang kahapon
Noong silang ngayo'y kanyang pinupuksa
Ang sumira sa kanyang bayaning-ama
At pinalibutan ang kanyang kuna
Ng mga maalamat na pighati.

Ngayon, itong araw ng kanyang tagumpay
Ang nagkukubli sa gabing nababalisa't
Baka patunayan ng mga anak ng pinatay
Na sila'y nakapagbinhi ng mga ipin ng dragon
Sa paglubog ng kanilang araw,
Upang bukas ay sumikat
Sa duguang langit at dagat
At muli, maipaghiganti ang mga ama.

At silang mga susuko
Sa larangan ng walang-laban,
Maaaring panagimpan ang mga banal na katwiran
Ng pagpapatawad, ngunit aba
Nalalaman nila ang kanilang ginawa
Sa kasikatan ng kanilang araw.
Sapagkat ang daigdig ay ang daigdig
At hindi para ang pinaslang
O ang pumaslang ang magpatawad
At wala itong sinusulat na mga kasaysayang
Nagwawakas sa pag-ibig.

Ngunit sa ilalim ng mga kadena ng alon
Na gumagasgas sa kawalan ng pag-asa,
Hindi naglalaho ang kahilingan ng pag-ibig.

Hul 26, 2012

Ang mongheng naghahanap ng isang tao

ni Rumi
aking salin


Isang umaga sa tiangge, may isang mongheng nagtatatakbo, may kandila sa kanyang kamay, hitik sa silakbo at alab ng pag-ibig ang kanyang puso.

'Huy, ikaw!' sigaw ng isang pakialamero. 'Ano bang hinahanap mo't kanina ka pa paroo't parito sa mga tindahan? At bakit paikot-ikot ka, may dala ka pang kandila gayong tirik na tirik ang araw? Anong kalokohan ito?'

'Hinahalughog ko ang lahat ng lugar upang matagpuan ang isang tao,' sabi ng monghe. 'Ang taong nabubuhay ayon sa buhay niyong Hinga. May ganito bang tao?"

'Isang tao? Heto, punong-puno itong tiangge,' ang sagot sa kanya. 'Aba'y napakaraming tao, dakilang pantas.'

'A,' wika ng monghe, 'ngunit ang gusto ko'y ang taong makapagpapatunay sa kanyang sarili bilang isang tao sa kalsadang dalawa ang landas, kapwang nasa landas patungong poot at sa mismong sandali ng pagnanasa. Nasaan ba ang taong tunay na tao sa oras ng galit at oras ng libog? Itong paghahanap ang dahilan kumbakit pabalik-balik ako sa mga lansangan. Nasaan ba sa kabuuan nitong daigdig ang taong totoo sa dalawang estadong ito, nang maialay ko ang aking buhay sa kanya?'

A—

Magkaibigan ba tayo noong umalis ka? Sa aking banda, alam ko ang sagot at hindi nagbabago, na nagtuturo ako upang dumami ang katulad mo.

Nang sinulat ko ang testimonyang ito sa iyong Friendster (noong buhay pa ang Friendster), may nag-akala sigurong gusto ko lamang manghila ng mga sasapi sa sinalihan mong grupo. Hindi ito totoo. Maraming kasapi ng iyong grupo, mapa-bagito o matanda, ang malayo sa iyong pagkatao. Malalapit mo pang kaibigan ang iba, mga tinitingala mo. Mga katulad kong tumitingala sa iyo.

Kung gayon, ano? Ang iyong utak ba ang pinag-uusapang ideyal? Matalas ka kung sa matalas, bilang makata, dyarista, bilang estudyante nitong daigdig ng punyagi, parikala, pakikipagsapalaran. Ngunit alam kong alam mo na hindi sapat ang utak, sapagkat sandata lamang ang utak, at pagdating sa anumang sandata, hindi ito tungkol sa kung ano ang hawak mo, tungkol ito sa iyong pagdadala sa anumang iabot sa iyo, anumang mapulot o mahablot, at kung saan ito itututok, kung paano ito gagamitin.

At kay-ingat mo sa mga walang sandata.

Ngunit baka hindi kita kilala, baka may bahagi ka ring katulad nitong sa akin, na papayag na matamaan silang mga aali-aligid, matalsikan ng basag na salamin, mabunggo ng mga taong sumusugod o umaatras, sapagkat ikaw ay makailang beses nang nasaktan, nabawian ng mga kaibigan sa paraang hindi makatuwiran, sa kamay ng mga taong burak ang puso at walang halaga, at itong mga tao sa ating paligid, ano ngayon kung mabundol sila, magurlisan, mga wala silang alam (utak bilang sandata) at ano ang sukat ng kanilang pagdurusa sa iyong pagdurusa (pagdurusa bilang sandata)?

Kung hindi ang iyong kinabibilangan o iyong pag-iisip, ano? Boses mo, ngiti? Namumuro na tayo, malapit na.

Ano kaya ang pusisyon mo sa mga nangyayari ngayon? Maaaring magkasundo tayo, maaaring hindi. Maaaring sasama ang loob natin sa isa't isa, tatahimik ng ilang saglit, maiilang.

Tapos magkikita tayong muli, isang buwan o taon ang lilipas. Ngingiti sa isa't isa. Tatambad ang ngiti mong hindi peke, na lagi't laging hindi peke, na agad pinapaalala sa aking may ngiti rin akong hindi peke, nakasilid kung saan, naghihintay sa iyo at sa mga inaakala kong katulad mo.

Ngunit hindi na tayo magkikita muli.

Hul 25, 2012

Sipi mula sa Œuvres completès

ni Simone Weil
aking salin

Suliranin: ang pagkatalo, na hindi nararanasan bilang pagdurusa sa mga natatanging sandali (magandang araw, magandang tanawin).

Ang lalake sa unipormeng kulay abo at luntian ay hindi sanhi ng pagdurusa (Halimbawa bago pa ang hidwaan, mga attaché ng militar…)

At ngayong natalo na, hayaang makita ang sundalong Aleman sa tanawin, at masdan ang pagkaluwal ng pagdurusa.

Hul 24, 2012

Sipi mula sa Œuvres completès

ni Simone Weil
aking salin


Hindi maaaring ipagmalaki . . . ang sariling talino lalo sa sandaling tunay itong ginagamit . . . sapagkat alam niya na kung sakaling maging mangmang siya sa isang iglap, at sa nalalabi sa kanyang buhay, ay mananatili pa rin ang katotohanan.

Hul 23, 2012

Mga Anak

Noam, matulog nang mahimbing, kailangang magpagaling. Si Ate mo narito, nanonood ng mga nagsasalitang aso, tuwang-tuwa. High pa yata sa panunumbalik sa eskuwela.

Elisha, pasensya kung hindi kita mapahalik sa kapatid mo ngayon, hindi pa kasi tayo sigurado sa karamdamang iyan. Bukas magdadala ka ng 'something sweet' at 'something sour' at kahit 'sweetie-poo' mo ang Bajjord at maasim ang kanyang batok, hindi siya maaaring dalhin. Sisigaw lang iyon ng ABA! Brownie na lang at kalamansi, nag-imbak na sa kusina si Mommy.

Noam, tama na ang pangangalmot, pangungurot, pananampal, at pagwasak ng mga salamin ng mga taong kumakarga sa iyo. Mabuti't nabawasan na ang pagkagat-kagat. At napakasaya ko sa Hapi Burtday mo lalo na sa bahaging Youuu. Kahit wala namang may burtday sa bahay.

Elisha, kapag naiihi ka, sabihin agad kay Teacher. Huwag magpipigil. Playground tayo uli bukas kung maganda ang panahon.

Hul 22, 2012

Sipi mula sa Collected Prose

ni Paul Celan
aking salin


Wala akong nakikitang kaibahan sa pakikipagkamay at sa tula.

Hul 18, 2012

Sipi mula sa mga kuwaderno

ni Simone Weil
aking salin

Ang pananakit sa kapwa ay pagtanggap ng isang bagay mula sa kanya. Ano? Ano ang nadagdag sa atin (at ano ang kailangang pagbayaran) pagkatapos nating manakit? Nadagdagan tayo ng halaga. Lumawak tayo. Napuno natin ang kahungkagan sa ating sarili sa pamamagitan ng paglikha nito sa ibang tao.

Dear P—

After Monday's work, after Monday's news, I wished I didn't have to lift a finger on Tuesday, which was yesterday, but my youngest alone would not permit such laziness.

Our eldest shall begin formal studies later today. In what I've come to accept as classic Soriano-Aguinaldo fashion, we inquired in the morning, got her assessed at noon, and sent word before evening: gud pm, she's Kinder tomorrow.

How you must have felt on your son's first day.

My wife told me a story the other day involving a friend and iced tuna. Immediately, I began forming it as a story. Or, as is the fashion of romantics, we can phrase this somehow passively: It began to form as a story.

Sometimes, when you open yourself up to a story, what you actually do is you give it a free pass to your mind, perhaps your soul, like you own a yellow lake but you yourself know nothing about diving so you ask the first boy you see if he could take a look below for something, anything, and he doesn't bat an eyelash, doesn't care why you're so desperate, turns away from your money, and dives as if a word from you was all he had been waiting for his whole life.

He takes a while, doesn't surface, but you feel something clench, perhaps in your lung or stomach. He's got something.

Well, I know what he's holding. He has the memory of you and me walking that overpass of your old Baguio, the one that led to the strawberry baskets, you looking over the activists on the street, you saying something unkind, then saying sorry, which was also unkind.

I wish I will never have to write this story, that I had a gun in my hand for that dark little diver, if and when he decides to take a breath. But all I hold are some poems and lessons, projects that need doing, forms to fill out (not fill up! reminds my wife), and I suppose I could just leave this one down below. To die, perhaps.

But it's not the first time I saw this boy, and I don't believe I've seen the last of him. He'll come, maybe years from now, with that piece in his hand, and something else, the one I need. Then will he demand payment.

Just now: Why did I assume I have years?

Hul 17, 2012

Ang Bahay sa Likuran

ni Raymond Carver
aking salin

Madilim na at hindi natural ang hapon.
Nang may namataang matandang babae sa bukid,
sa ulan, may tangan-tangang kabesada.
Nilakad niya ang landas patungo sa bahay.
Ang bahay sa likuran. Nangyaring
alam niya ang pagpasok ni Antonio Rios
sa oras ng kanyang huling pakikipagsapalaran.
Paano, huwag itanong sa akin kung paano, basta alam niya.

Kasama ng doktor at iba pang tao si Antonio.
Ngunit wala na silang magagawa. Kung kaya
dinala niya ang kabesada sa silid,
isinampay ito sa paanan ng kanyang kama.
Sa kama kung saan siya namimilipit, naghihingalo.
Umalis siya nang hindi nagbitaw ni isang salita.
Itong babaeng dati ay maganda at bata.
Noong si Antonio rin ay maganda at bata.

Hul 16, 2012

Pagdadalamhati

ni Louise Glück
aking salin


Bigla-bigla, pagkatapos mong mamatay, ang mga kaibigan
na hindi nagkasundo tungkol sa kahit ano
ay nagkasundo tungkol sa iyong pagkatao.
Para silang isang bahay ng mga mang-aawit, nag-eensayo
ang iisang himig:
makatarungan ka, mabait, nagkaroon ng buhay na mapalad.
Walang armoniya, walang kontrapunto. Subalit
hindi naman sila mga artistang kumakanta;
totoo ang kanilang mga luha.

Masuwerte ka, patay ka na; kung hindi
mamamayani sa iyo ang pandidiri.
Ngunit pagkalipas noon,
at pumipila na palabas ang mga bisita, pinapahid ang mga mata
sapagkat, pagkalipas ng araw na tulad nito,
nakapinid sa loob ng tradisyon,
ang araw na kamangha-mangha sa liwanag,
sa kabila ng takipsilim, Setyembre—
kung kailan nagsisimula ang exodus,
kung kailan mo mararamdaman
ang kirot ng pagkainggit.

Nagyayakapan ang mga kaibigan mong buhay,
nagpapalitan ng ilang tsismis sa bangketa
habang lumulubog ang araw, at ang hangi'y umiihip,
nilililis ang mga alampay ng kababaihan—

ito, ito, ang ibig sabihin ng
"buhay na mapalad": ibig sabihin,
ang manahan sa kasalukuyan.

Hul 15, 2012

Pananalita

ni Carl Sandburg
aking salin


Nagkaroon noong
tinatawag nating "mga salita,"
maraming mga wika,
mga pantig,
kada pantig ay yari sa hangin.

Tapos nagkaroon noong
k a t a h i m i k a n ,
walang sali-salita,
wala nang mga pantig
na hinulma ng mga buhay na dila
mula sa gumagalang hangin.

Kung kaya't lahat ng mga dila'y
marahang kinakausap ang isa't isa
tungo sa k a t a h i m i k a n .

Hul 14, 2012

Love lies broken on the floor

      Or this watch was once on my wrist,
the shards of its glass now many
and sharp like candle flames,
the metal disc, still polished,
the only surviving tray
of a shattered house.

Tiny gears lay scattered,
unmeshed, like false teeth
moulded by nimble fingers
then abandoned,
swept off the table.

The leather straps are tongues
under different beds, unable
to choke on hair,
gathering dust, dryness,
incapable now of tasting
the abuses of daylight.

These numbers are threatening me,
surrounding my feet, these ants,
abdomens deformed, antennas
perverse, prodding, asking little questions.

I cannot find the hands,
the minute hand, the hour, the moment
the door closed, the hands pulling it shut.
Something's in my gut, biting,
a thing pointed, moving in my lung.

You can hear this. 
      My heart is ticking.

Mga Malalayong Hakbang

ni César Vallejo
aking salin


    Natutulog ang aking ama. Ang kanyang maharlikang mukha
ay nagpapahiwatig ng mapayapang puso;
kaytamis niyang tingnan ngayon . . .
kung may anumang mapait sa kanya, tiyak na ako iyon.

    May kapanglawan sa bahay; may pagdarasal;
at wala ngayong balita tungkol sa kanyang mga anak.
Naalimpungatan ang aking ama, pinakikinggan
ang lipad pa-Ehipto, ang paalam na panakip-sugat.
Napakalapit na niya ngayon;
kung may anumang malayo sa kanya, tiyak na ako iyon.

    Naglalakad ang aking ina sa halamanan banda roon,
nilalasap ang lasang wala nang lasa.
Napakabanayad na niya,
labis na pakpak, labis na paglisan, labis na pag-ibig.

    May kapanglawan sa bahay na walang maririnig,
walang balita, walang luntian, walang kabataan,
at kung may anumang nawasak ngayong hapon,
at kung may nahuhulog, kung may lumalangitngit,
iyon ang dalawang lumang landas, puti at kumikilo,
at nilalakaran ang mga ito ng aking puso.

Sipi mula sa mga kuwaderno

ni Simone Weil
aking salin


Mga antas ng paniniwala. Ang pinakakaraniwang katotohanan, kapag binaha nito ang buong kaluluwa, ay tila isang pagbubunyag.

Hul 12, 2012

Unang Gunita

ni Louise Glück
aking salin


Matagal na iyon, noong ako'y nasugatan. Nabuhay ako
upang ipaghiganti ang aking sarili
sa aking ama, hindi
dahil sa kung ano siya—
dahil sa kung ano ako: sa simula't sapul,
sa aking kabataan, inisip ko
na ang ibig sabihin ng kirot
ay hindi ako minahal.
Ibig sabihin, nagmahal ako.

Hul 10, 2012

2012, Mas Hilaga pa sa Amerika

Kaya ikaw, John, magsumikap ka!—Doña Delilah

May hinahanap ho ako. Baka nasa listahan.

Kung kapares ka ng iba, hinahanap mo silang lahat.

May hinahanap nganyo akong babae.
Kung ikaw ngang talaga iyan, hinahanap mo ang lahat ng babae.

Si Dorothy—
Sa sangandaan ng mga ipu-ipo.

Blanca.
Kung saan sinasaway ng pahina ang tabing, ngunit nananaginip pa ang tabing.

Aba'y, Marsha!
Ayan na pala. At bakit mo pinaghintay?

Hul 9, 2012

Sukdulan Tayong Mapalad

ni Wisława Szymborska
aking salin

Sukdulan tayong mapalad
na hindi natin buong nalalaman
ang uri ng mundo nating ginagalawan.

Kakailanganin ng isang tao
ng napakahabang buhay,
di-hamak na mas mahaba
sa buhay mismo ng daigdig.

Na kilalanin ang mga ibang mundo,
para lang makapaghambing.

Maalpasan ang laman,
na maalam lang talaga
sa pagbibigay-hadlang
at paggawa ng aberya.

Alang-alang sa pananaliksik,
sa masaklaw na pananaw
at tiyak na pagsara ng pag-aaral,
kakailanganing lagpasan ng tao ang oras,
kung saan nagkukumamot at paikot-ikot ang lahat.

Mula sa puntodebistang ito,
mas mabuti pang magpaalam na ang tao
sa maliliit na pangyayari at detalye.

Ang pagbibilang ng mga araw ng linggo
ay hindi maiiwasang magmukhang
isang gawaing walang saysay;

ang pagpapadala ng mga liham
isang kalokohan ng kabataan;

ang karatulang "Bawal Maglakad sa Damo"
isang sintomas ng pagkabaliw.

Hul 8, 2012

Sipi mula sa Œuvres completès

ni Simone Weil
aking salin

Wala nang mas di katanggap-tanggap sa isang tao kundi ang kanyang kabatiran na maaari siyang baguhin.

Hul 7, 2012

Seven Seven Twelve

SR. SOL— It was a long hike, so this will be a simple question. How is she?

ANATH— Awaiting the Discharge Clearance Certification.

SR. SOL— That’s you waiting, not her. You really think this is the time for your nonsense?

ANATH— Thanks for the visit, Sr.

SR. SOL— Can’t I come up?

ANATH— Was it not long enough a hike?

SR. SOL— Let me see for myself.

ANATH— As if you yourself weren’t waiting for the Discharge Clearance Certification.

SR. SOL— She won’t mind me, I brought these dumplings.

ANATH— You can’t say she’s too young to mind you, too young to wait for discharge orders. She is the patient, you are the visitor, and I am the patient’s representative.

SR. SOL— I can leave now, but I’ll return when you’re away.

ANATH— Unless we are discharged, we are assumed the extensions of the hospital, you might go so far as to say we consist functions of it. There’s an IV line upstairs with her name on it, but if you leave, it will snake along the highway after you and follow you to your place of worship.

SR. SOL— You should be out looking for money. Banks won’t be open until Monday.

ANATH— There’s plastic wrap over the food. Just because it’s clear, doesn’t mean it’s invisible!

SR. SOL— I came to visit her, her, not you.

ANATH— And when you’re done visiting? Shall you take your visitor with you to your places of eating and sleeping and ‘socialization’? Shall you leave it here? But where shall I place it? Is it non-infectious? If so, how long shall it stay that way—

SR. SOL— I bring good intentions—

ANATH— Must we recycle?

SR. SOL— The best of intentions. I came to lay my hands on her.

ANATH— There’s a canteen up that slope, but down the road, fifty minutes from here, you’ll find gas stations with fast food counters. You don’t have to eat there. You may visit, just visit. It will take the busboys some time to notice your sweat on their tables.

SR.SOL— There is no hospital for someone of your make.

ANATH— Thank you for your time, Sr. You know how we’ve worried so. But it’s past 27 hours since the last fever, we’re thinking positive. That’s right!

SR. SOL— No hospital—

ANATH— With letters of silver—

SR. SOL— Not in any horizon.

ANATH— They’ll sign it, you’ll see. The Discharge Clearance Certification. I’ll sign too, when my turn comes.

SR. SOL— The time will come. When it does, I shall refuse to lay these hands on your fallen brow.

Hul 6, 2012

Sipi mula sa Œuvres completès

ni Simone Weil
aking salin

‘Nagdurusa ako.’ Mabuti pa ito sa: ‘Pangit ang tanawing ito.’

Hul 3, 2012

Sipi mula sa La Connaissance surnaturelle

ni Simone Weil
aking salin

Hindi iginuguhit ng dibuhista ang lugar kung saan siya mismo nakatayo. Ngunit kapag tiningnan ko ang kanyang larawan, malalaman ko ang kanyang kinatatayuan ayon sa kaugnayan nito sa mga bagay na kanyang dinidibuho.

Sa kabilang banda, kung inilagay niya ang kanyang sarili sa kanyang larawan, tiyak akong ang puwestong ipinapakita bilang kanyang posisyon ay hindi ang kanyang tunay na kinatatayuan.

Hul 2, 2012

Ang Silid na Puti

ni Charles Simic
aking salin*


Mahirap patunayan ang halata.
Mas pinipili ng nakararami
Ang kubli. Maging ako.
Pinakikinggan ko ang mga puno.

Mayroon silang lihim
At sandali na lamang bago
Ibunyag ito sa akin,
Nang kanilang binawi.

Dumating ang tag-init. Bawat puno
Sa aking kalsada'y may sariling
Scheherazade. Ang aking mga gabi,
Naging bahagi na ng kanilang mailap

Na kuwentuhan. At kami'y
Pumapasok sa mga madidilim na bahay,
Parami nang paraming madidilim na bahay,
Panay tahimik at pinabayaan.

May isang taong nakapikit
Sa isa sa mga matataas na palapag.
Dahil sa pag-iisip dito, dahil sa pagkamangha,
Hindi ako makatulog-tulog.

Hubad at malamig ang katotohanan,
Ang sabi ng babaeng
Palaging nakasuot ng puti.
Hindi siya gaanong lumalabas ng silid.

Itinuro ng araw ang isa o dalawang
Bagay na buong nakaligtas
Mula sa mahabang gabi,
Mga pinakasimpleng bagay,

Na mahirap patunayan sapagkat halata.
Hindi sila nag-iingay.
Iyon ang tipo ng araw
Na itinuturing na "tamang-tama."

Mga diyos na nagkukunwari
Bilang mga itim na aguhilya? Isang salamin?
Paynetang nakulangan ng isang ipin?
Hindi! Hindi ganito.

Basta ang mga bagay at kung paano ang mga ito,
Hindi kumukurap, walang kaimik-imik
Sa maliwanag na ilaw,
At ang mga punong naghihintay sa gabi.




NB: Nirebisa ang salin na ito pagkatapos kong mabasa ang adaptasyon ni Acuña.