Bawal tumula ngayon. Bawal ang tweet. Bawal ang dibuhong minimalist. Ang brutalist. Sige lang kung shut up, kung walang exposure o pakinabang: magtsek, maghugas ng pira-pirasong pinggan, magdilig sa ulan. Bawal umusad ang pogi points at haba ng hair. Hindi para manganak ngayon.
*magtsek ng output ng pormal nagbitiw o hindi na nagparamdam. O nagparamdam ngunit hindi maaaring ibahagi ang ibinahagi lalo’t maaaring ikalaki ng ulo o following. Bawal makaramdam ng inauthentic feelings. Kung nakatitiyak na totoo at masidhi ang nararamdaman, hindi ito dalisay.
Kung pinag-isipan ang antas ng sidhi at katotohanan ng damdamin, hindi ito dalisay. Dalisay at uso ang magbawal-bawal, parang face mask, face shield, 48 na kawal. Ihaharurot ito. Kakanselahin. Napakaraming magsasalita at malulungkot at maghahakot ng mga kontrabandong tagahanga.
Wala sa listahan ang maseselan, ang mga imahe (hindi imahen) ng apoy o himpapawid. Lalong-lalo kung tubig. Bawiin ang pahintulot sa pagtambay sa tarangkahan, sa pag-angkas sa panginoong may-subdivision, sa pagkukubli maging sa sariling panaginip ng malambot na pisil ng mag-anak.
Walang mamimigat. Magaan ang call-out sa ngiting selfie, sa lay-out ng masarap na padeliver. Iwasang mag-unbox. Lumayo sa kahon. Sa hugis na parihaba. Tuwing may lalabag, tutuka ang mga sisiw sa salamin ng budhi at—ngayong bawal manalinghaga—totoo sila at isa-isang tatanggapin.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento