Malakas ang hangin dito, sinabayan pa ang sakit ng ulo ko. Hangin talaga, hindi masyado ulan. Parang yung kakaunting patak e namamawis lang ang hangin sa kakaihip. Kanina nga, binuksan ko pa ang payong para may saysay naman ang pagdala ko nito. Kaso e mukhang aagawin pa ng hangin. Kapag di mo pinakawalan, maaasar, sisirain. Kaya sinara ko na lang at pakiramdam ko Fred Astaire ako kaya lang hindi umuulan, bumabagyo. Wala na sa porma ang kwelyo ko. Pinabayaan ko na ring kumumpas ang mga dulo nito, walang saysay na ayusin pa.
Galit ako sa bagyong ito kasi kanina inaagaw yung atensyon ng klase. Pati yung mga print-out at attendance sheet ko hinihigop ng mga bukas na bintana. Parang pati yung mga salita ng lektyur ayaw pabayaang makarating sa klase. Katatapos pa lamang mamutawi, binabara na agad ng mga puno't dahong nagsisihampasan sa galit at ng mismong hangin, marahas na sumasagitsit sa pagitan ng mga sanga. May bayolenteng reaksyon pa yata sa mga pinagsasabi ko! Buti na lang, yung klase nagpapaniwala pa sa akin. Sila pa itong ayaw magprotesta, pinipilt ko na nga e.
Brownout sa faculty kaya di ko na itinuloy ang balak kong magtsek. Mainit sa loob dahil kulob sabay maririnig mo sa labas yung pagwawala ng mga elemento. Kaya ano opsyon ko, trabaho? Hindi na no! Baka bumaba pa marka ng mga kawawang nilalang.
Pauwi, naglakad ako, yung dating bagal, hindi ko na makuha pang makibagay sa mga elemento! Dumaan ako sa Carabao Park. Nabakli yung isang puno, hindi ako naabot, ilang pulgada lang sa harap ko bumagsak. Ewan ko pero nangiti ako. Mas gugustuhin ko pa atang bumagsak na nga lang sa ulo ko yun para mawala yung migraine. Yan naman talaga ang pinakatiyak na paraang matanggal ang hinayupak na sakit ng ulo na ito e. Tanggalin na yung ulo mismo.
Oks lang, tanggap ko na namang wala talaga akong mapapala dun. Inisip ko na magkukulong na lang ako sa kwarto, ano pa ba ang ibang opsyon? Pagkapasok, isasabit ang binugbog na payong, huhubarin ang polo, kwelyo, lahat. Tapos magtitimpla ng anumang mainit.