***
After Lu Hsun, I haven't read too much. I committed myself to the homepage. Now that it's more or less in place, I shall resume my beloved task.
I've read most of "The Hobbit" and a couple of chapters of "Two Towers." Two books from Monica are in my reading queue. So are two volumes from Jerico. And the chairman of the Board gave me heavy tomes listing thousands of corporations that I must sort, process and act upon. Somehow, I gave my beloved benefactors reason to believe that I'm a speed reader.
But because of this thing that happened to me, this reassertion of Fate's that I am nothing more than its plaything, my mind has drifted to that old Mexican metaphor. It has been retold by John Steinbeck and published in the form of "The Pearl." It's a thin volume. Not too expensive too as books are priced here in OurLand.
I drifted back to it as I said and now through this writing, I am actively pursuing it. Let's just say, for now, that I have come into contact with my own "Pearl." Someday maybe, I can tell you about it. But for now, Steinbeck's. This is one way I can have a fair idea how I can deal with my own little life-twist.
***
ANG PERLAS
"Sa bayan, ikinukwento nila ang istorya ng dakilang perlas - kung paano ito nakita and paano nawala muli. Ikinukwento nila ang tungkol kay Kino, ang mangingisda, at sa kanyang asawa, si Juana, at sa tungkol sa sanggol na si Coyotito. At dahil napakadalas nang naikwento ang istorya, nag-ugat na ito sa isipan ng bawat tao. At, tulad sa lahat ng mailang-ulit na naikwentong istorya sa mga puso ng tao, mayrooon lang mga mabuti at masamang bagay at mga itim at puting bagay at mabuti at lubusang masamang bagay at walang nasa-gitna saanman."
John Steinbeck
mula sa pambungad ng "The Pearl"
(Salin ng taga-rebyu)
Tunay na perlas ang librong ito ni Steinbeck. Manipis ang tomo at siksik sa sustansya, tulad ng perlas. Tulad rin ng pinagmulan ng perlas, tila napukaw ang kamalayan ng manunulat nang malalim at hindi na maatrasan ang ganoong estado ng isipan. At ang ganuong pagkapukaw sa imahinasyon at diwa ng may-akda ang pinagmulan ng obrang ito.
Payak ang pagkakasalaysay. Para kang isang batang Mehikano o estranghero na pinagpapasahan ng nakakatanda ng isang kwento na nakabigkis sa kanyang pinag-ugatan.
PAGKUHA
Una, ilang sipi sa libro. Manipis ito, wala pang sandaan ang pahina. Ewan ko kung ano ang tindig ng mambabasa sa IPR pero tutal hindi na naman makikinabang si Steinbeck dyan, opsyon ninyong ipakopya sa anumang akalatan na malapit sa puso ninyo. Wala pang singkwenta pesos iyan, lalo na kung di nyo na isasama ang mga paunang salita ng mga taong hindi naman si Steinbeck!
O maaaring bilhin sa mga suking tindahan na "kinalakihan" nyo na! O mula sa mga bagong mamahaling estante. Hindi naman lumalampas sa dalawandaang piso ang mga kopyang nasusumpungan ko. Ayon nga sa isang Heswitang mahal na mahal ng block (naalala mo pa ba sya jessie?), kung hindi kayo makabili ng kopya at walang kumuha sa inyo sa pagronda nyo sa Quezon Ave., nakawin nyo!
Masyado yatang napalakas ang salespitch ko! Dala lamang ng sobrang emosyon. Pakatandaan, medyo masama pa rin ang timpla ko e! O sige, balik na sa rebyu.
PAGKILALA
Kabilang sa isang mangingisdang-bayan ng kolonyal na Mehiko si Kino ang puno ng kanyang maliit na pamilya. Sa kabigatan ng malubhang sakit ng kanyang anak, natagpuan niya ang isang perpektong perlas na abnormal ang laki sa kanyang paninisid.
Simula nuon, nagbago na ang buhay ng kanyang pamilya. Napakaganda ng perlas at puno ng napakaraming potensyal at probabilidad. Tumulay ang mga dati-rati'y pangarap na isinasapuso lang, sa labi ng pamilya bilang mga kongkretong plano. Sapagkat nasa kanila na ang tinagurian ng bayan na "Perlas ng Daigdig."
Ngunit sa mabilis na tempo ng mga pangyayari, simbilis at simpayak ng pagbabago ng isip ng mga taong ipokrito, narating ni Kino ang kalagayang hiwalay sa pamumuhay, sa lipunan, at sa sarili. Tunghayan ang mga dinala ng perlas sa mag-asawa at sa kanilang anak.
PAGBASA
Musikal na komposisyon ang akda. Isa itong nasasapapel na katumbas ng isang kwento sa paligid ng isang bonfire kung saan may mga nakatayming na palo sa tambol at alog sa marakas.
May ritmo ito at maingat na hinabi ang tempo. Maaring hindi ito mahalata sapagkat napakanatural ng bagsak ng mga salita rito.
Metapora ang akda. Maaring basahin ito bilang pagsiyasat sa kaugnayan ng tao sa kayamanan, sa materyal na posesyon, sa pangangailangan at karangyaan.
Mas malalim, parabula ang akda. Sabayan ang sabayang pagkilos ng dalawang kasagaran ng kabutihan at kasamaan, puti at itim, sa buhay ng mag-anak. Masdan ang taglagas ng mga kaibigan at pag-usbong ng mga kalaban sa milagro ng biglaang kayamanan.
Pakinggan ang nagtatagisang mga tunog. Una ang Awit ng Mag-anak, ayon sa banggit ni Steinbeck. Katapat nito, ang Awit ng Kaaway, ang tugtog ng anumang nanghihimasok at nagbabantang wasakin ang pamilya.
Sa gitna nito, at sa paglaon, sa buong paligid, ang kakaiba at di mawariang Awit ng Perlas.
PAGREBYU
Naku, baka mas humaba pa sa akda mismo ang piyesang ito! Sa panapos, isang gabay sa pagrerebyu.
Isang subhetibong laro ang pinalalaro (o pinatutugtog!) ni Steinbeck. Nagpapakilala ang kwento bilang isang kwentong-bayan o folk-tale, isang uri ng literaturang may mas direktang kaugnayan sa karaniwang tao.
Ayon sa akda, malayang hanapin ng mambabasa ang anuman sa kwento na may halaga sa kanya. Iyan naman talaga ang prinsipyong gumagabay sa pagpapatuloy ng pagpapasa-pasa ng kwento, ng mga "tala ng buhay," at ng buhay at pamumuhay (mismo) ng mga henerasyon sa salinlahi. Napapatingkad ang mga kailangan, nababawas ang mga hindi angkop sa kinikilalang pangangailangan ng kasalukuyang panahon.
Ayon sa prinsipyong iyan ang aking pagrebyu. Kinuha ko ang mga bagay na malapit sa aking kasalukuyang karanasan, kalagayan, at pangangailangan (at itong malaking bagay na kinakaharap ko!). Iyan ang isiniwalat ko riyan, para sa konsumpsyon ng sasalo sa aking "isasalin."
Ngunit sa huli, mas mahalaga na ang ngayong bumasa ng rebyu mismo ang sumalok sa batis na pinag-inuman ko. At ako naman ang makikibahagi, kung maaari, sa kanyang mapapahalagahan at maisasalin.
"Kung isang parabula ang kwentong ito, maaaring kumukuha ang bawat isa ng sarili niyang kahulugan mula rito at binabasa ang sarili niyang buhay rito."
John Steinbeck
mula sa pambungad ng "The Pearl"
(Salin ng taga-rebyu)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento