Ene 28, 2002

Nuong kapanahunan ng Ikatlong EDSA, wala akong naisulat. Natulala ako. Silang lahat, galit na galit, ikinukumpara ang dalawang EDSA, parang dinedebate ang rumaragasang pwersa ng masa. Anong magagawa ng satsat mo sa ganoong pagsiklab ng mga damdamin? Sa harap ng ganoong indignasyon na, kumpaano mo man titingnan, e talaga namang karapatan nila.

Hindi natin maiwasan siguro. Kailangan mapanatag sa loob na tayo ang nasa tama. Atin ang tunay na EDSA. Atin lang ang EDSA. Sa tama lang ang EDSA. Pero mahusgahan man nating mali ang kanilang ibinabanderang idolo, sila ba mismo e mali? Wala sila sa lugar? Bakit hindi na lang manahimik sa kanilang tamang kinalalagyan sa ilalim ng mga yabag ng altasosyedad? Sa ilalim ng mga may-pinag-aralan?

Nalungkot ako nuong mga panahong iyon. At hanggang ngayon, narito ang lungkot na iyon. Kambal ng ipit na galit. Malamang hindi sa kanila. Malamang hindi sa mga hinaing at galit nila. Malamang sa mga katulad ko sa kabilang ibayo na ginagamit ang kalagayan nila. Malamang sa mga kasamahan ko sa panig ng anti na makitid ang pagkumpronta sa kanilang hinaing. Sa mga katulad ko. Sa lahat ng mga "ako."

Alam ko ito pero hinding-hindi ko ganap na maiintindihan. Kahit ang pagbabasa, may limitasyon. Para akong minumura at sinusumpa ni Marx sa kanyang pagsambit ng "Social Being defines Social Consciousness." Alam ko ang hangganan ko at hindi ako masaya rito. Galit ako rito. Ano ang silbi ko sa kanila? Sa atin? Sa akin.

Wala.

Hindi naman talaga mapaghihiwalay ang mga iyan. Kahit pa ilang kahon ng high-rise ang itayo natin. Kahit pa ilang ibayong bansa ang patunguhan natin. Kahit pa ilang pro, anti, at iba pang mga tatak at bansag ang imbentuhin natin.

Walang komento: