Abr 6, 2002

LANGOY-UTAK

Mangungumusta lang ako ha?

Napapatanong lang ako, kumusta sa iyo ang tubig at tag-init? Ang mga ekskursyon at outing? Kumusta ang hot springs sa tanghaling tapat? Ang shower na mainit na tubig pa rin pala? Ang malalamig na pool na minsan may bubbles pa? Ang maaalat na beach? Ang asin na namuo at pumalit sa balat?

Kumusta ang taas ng araw? Kumusta ang mga shades, cap, shawl, sleeveless, plunging, swimsuit, at trunks? Ang sunblock, lotion, o sopdrinks na pang-marinate sa balat? Ang mga gamit, kumpleto ba?

Kumusta ang pag-iihaw-ihaw ng kung anu-ano sa tabi ng pool o beach? Kumusta ang alat sa dila at labi? Ang manggang hilaw na pangontra rito? Ang bagoong na pangontra sa pangontra? Ang serbesa na pangontra sa lahat?

Kumusta ang mga kasama? Ang mag-anak, kaibigan, kasama sa trabaho, o estrangherong nakilala sa bus at natsambahan rin sa resort? Kumusta ang kiskisang-siko, ututang-dila, bunuang-braso, at tagisang-isip? Ang halakhakan sa umaga at seryosong pagsesentimyento sa paglubog ng araw?

Kumusta ang pagtulog? Ang pakiramdam sa katawan na tila nakalimutan ang pagkapirmi at nararamdaman pa ang alon? Ang mga panaginip na singklaro ng tubig ngunit sing-ilap ng hangin?

Kumusta ang pasalubong? Ang mga iuuwing damit? Ang mga pinulot na shell sa tabi ng dagat? Ang mga hinablot na ashtray, bolpen, at lalagyan ng sabon sa tabi-tabi ng pool? Ang mga tisyu na may tatak ng dinaanang restawran, tinuluyang hotel, o lipstik ng crush? Ang mga pasalubong na kwento?

Kumusta sa iyo ang tag-init? Kumusta ang araw na nagpapatakbo sa hangin? Ang hangin na ngahahabi ng daluyong? Ang alon na nagbibigay-mukha sa tubig? Ang tubig na nagbibigay-ritmo sa katawan, hanggang sa paghimlay sa gabi?

Higit sa lahat, kumusta ang paglangoy? Kumusta ang karera sa tubig? Ang mga water-game, water-polo, beach volleyball, at hanapan ng barya? Ang pagtumbling at pagsisid, at paghahagis ng tubig at buhangin?

Kumusta ang paglangoy, ang pakikipaghuntahan sa dagat? Ang tanging wika na kinikilala nito? Kumusta ang paglangoy? O, tulad ko ngayon, kumusta ang paglangoy sa utak?

Walang komento: