Set 12, 2002

Kahapon

Pinalad ako't nagkapanahon nuong nakaraang linggo. Inaantabayanan ko talaga itong Eiga Sai 2002, ang libreng pagpapalabas ng mga kontemporaryong pelikulang Hapon sa EDSA Shangri-La. (Mula Set. 3 hanggang 9 lamang sa Mandaluyong e. Katatapos rin lang sa Makati. Sakaling interesado ang mambabasa, maaring humabol pa sa Tanghalang Manuel Conde ng CCP sa Pasay mula Set. 17 hanggang Set. 20.)

Sa anim na pelikula, tatlo ang napanood ko. Kasama ko sina Jessel at Jol nuong nakaraang Huwebes. Unang pinalabas ang "Adorenarin Doraibu" (Adrenaline Drive) at sumunod ang "Nabbie No Koi" (Nabbie's Love). Lubos ang pananalig ko sa pagkakarebyu ni Jessel sa dalawang ito.

Sa pagbalik-tanaw, sa anim na pelikula, mga dalawa't kalahati lamang pala ang napanood ko. Nahuli kami ni Mon sa palabas ng "Ashita" (Tomorrow) dahil masyado kaming naaliw sa mga librong nakahandusay en masse sa Philippine Bookfair sa Megatrade Hall. Medyo maulan pa pero hala't sumige pa rin kami, patakbong tumawid patungong Shangri-La.

Life, Love, and Laughter ang tema ng Eiga Sai. Sawa-sawa ka naman talaga sa dalawang huling elemento duon sa unang dalawang pelikula. Masaya talaga. Pero para sa akin pinakamatingkad ang tema ng buhay sa "Ashita". Kung wala na kayong balak manood, hayaan nyong ikwento ko ha?

Mga pira-pirasong sulyap sa iba't ibang buhay ang ipinamahagi sa mga manonood. Nariyan ang isang salusalo, kompleto rekados ang mga handa, todo satsatan, at may kuhanan pa ng litrato! May isang pares na bagong kasal. Sa kalaliman ng gabi ng kanilang pulot-gata, nababagabag ang isipan ng lalaki. May lihim na hindi makuhang ibunyag sa kanyang bagong kabiyak.

Gayun din naman ang estado ng pag-iisip ng dalawa pang binata. Nasa tahanan ng puta ang isa, lugmok sa pagsisisi sa pag-iwan niya sa kanyang kaibigan sa maiitim na kamay ng peligro. Sa saglit ng magkasanib na kahinaan, nagbahagi rin ang babae sa kanyang kliyente.

Naghihintay naman ang isa pang binata sa kanyang sinisinta. Masiglang tumakas ang dalaga mula sa bahay upang makarating sa kanilang luntiang tagpuan. Masaya pa niyang isinalaysay ang kanyang pagtakas habang habol-hiningang sinasalubong ang katagpo. Subalit mabigat ang balita ng binata. Dumating na ang draft. Isasama siya sa pwersang susugod sa pagpapatuloy ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

At sa isang bahay, dinadaluhan ng kumadrona ang isang babaeng ipit sa isang mahirap na panganganak.

Itinapon ng lahat ng karakter ang kanilang mga panaginip, pagbubunyag-lihim, pag-aalala, pagkabahala, at kaligayahan sa isang hinaharap. Bagamat balisa buhat ng mga suliranin at ligalig na kaakibat ng giyera, hinarap ng mga tauhan ang kanilang kinabukasan.

Nangyayari ang lahat ng ito sa Nagasaki, ikawalong araw ng Agosto, 1945. Hindi lahat ng kwento ay magkakaugnay, ngunit pinagtagni-tagni ang mga ito sa mantel ng digma. Kinaumagahan, nadebelop ang litrato at nailuwal ang isang magandang sanggol. At buong-loob na tumingala sa bagong umaga ang ating mga bida.

Pagsapit ng tanghali, ibinagsak ang bomba.

Walang komento: