Mayo 9, 2003
Panglimang beses ko na ito sa UP Los Banos. Papalapit na rin ang panahon na di ko na mabibilang ang mga araw na ito.
Pinakauna nuong sophomore ako. Ganito yun. Dahil sa matinding kamalasan o kabobohan, naiwala ko ang tanging kopya sa Main Lib ng libro sa pagtula at kritisismo ni Archibald MacLeish. Malaking halaga ang hinihingi. Hindi ko na kinarerang humingi sa mga magulang ko, di ko na maalala kung dahil sa hiya o sa yabang. Dahil sa laki ng dapat kong bayaran, ibinenta ko ang mga bala ko ng Pearl Jam, Silver Chair, Collective Soul, Enya, at iba pang ayaw ko nang alalahanin at baka panghinayangan ko pang muli.
Naibenta ko rin ang aking pinakamamahal na libro nuon, ang salin ni James Clavell sa Art of War ni Sun Tzu. Ibinenta ko rin ang kumpletong sulatin ni William Shakespeare. Mas mataas ko pang napresyuhan kaysa sa dalawang ito ang paborito kong magasin, ang Playboy ni Erika Eleniak na alaala pa galing hayskul. Isa dyan, di ko na sasabihin kung ano, binenta ko sa maargumento kong kaibigan. Yung isa sa pinakatopak. At isa sa aking nililigawan. Ayun, dahil sa inipong awa, pagnanasa, pagmamahal, at pera ng aking mga kaibigan, nabuo ang suma.
Malaki ang maiaawas sa kabuuang gastusin kung makahahanap ako ng librong ito ni MacLeish para mapakopya. Ayon sa katalog, may isa sa UPLB. Sa halip na magbayad na lang at tapusin na ang lahat, hinikayat ko ang tropang goons na samahan ako sa LB. Katwiran ko, sayang naman kung basta na lang ibayad ang pinaghirapan ko nang ganun-ganun lang. Mas gugustuhin ko pang pumunta sa LB, gasolinahan ang pulang Kia Pride ng mamula-mula kong kaibigan, at suhulan ng buko pie ang lahat ng sasamang goons. At iyon nga ang ginawa ko. Pumayag naman ang mga goons, basta full tank ang Kia at original ang buko pie.
Bahagi ng Isang Mahabang Kwento
Napakahabang kwento ng araw na iyon! Isa iyon sa mga paboritong araw sa aking buhay. Syempre, dalawa lang ang aapaw mula sa mga paboritong araw. Kung hindi mahabang katahimikan, mahabang kwento.
Sobrang dami ng nangyari! Sa kalye pa lang, kantyawan na! Paano ba naman e malulupit humirit ang lahat sa aming apat. Matindi ring magsipagbigay ng direksyon.
"Saan tayo?" tanong ng mestisuhing tsuper, matuling nagmamaneho tungo sa paghihiwalay ng daan.
"Kanan pare!" sagot ng higanteng backseat driver, excited.
"Oo pre, dun! Dun!" sumegunda pa ang katabi, excited din at seryoso pa, nakatutok ang siguradung-siguradong hintuturo sa pinakagitna ng dibisyong isla. Ewan ko kumbakit papadiretsuhin niya kami run.
"Kanan, kanan tol!" excited na talaga ang higante namin.
"Okey, sigurado ka ha?" naninigurado si tisoy, dalawang dipa na lang mula sa dibisyon.
At pagkapihit sa manibela, kumapit bigla sa likod ng driver's seat ang higante, "Hindi-hindi-hindi! Kabilang kanan! Kabilang kanan!"
Nuong kinaawaan naman at nakarating rin kami, ilang minuto naming hinanap sa mga estante ang libro. Wala. Memoryado na namin ang call number! Wala talaga, angsama-sama na ng loob ko. Yung dalawang nagsagutan sa kalye, sinimulan na ang paglibang sa akin. Sabi ko na lang sa loob-loob ko, di bale, talo na kung talo. Tuloy pa rin ang ligaya.
Tuloy naman pala talaga! Kakambal ng swerte ko ang tilos ng mata nung isa pang backseat driver. Lumayo siya sa aming estante, akala ko wala nang pakialam. Tapos lumapit sa amin, nakangisi, angat-angat ang isang dilaw na tomo. Pinagmumura namin siya sa tuwa.
Nagkainan kami. Dumiskarte lang ng mainit na kanin at malamig na sopdrink sa kanto tapos naghanap ng pwesto para magpiknik. Ano ang ulam? Samu't-sari, basta lahat diretso mula sa mga lata. Masarap ang kain namin. Kasahog ng bawat subo ang pinagsaluhang kwento at tawa. Naalala namin ang mga naiwan naming ka-org, laluna ang mga babaeng taga-food tech na laging pinandidirihan ang trip naming mga de lata. Lagi namin silang inaaya na makisalo duon sa Diliman. Ayaw nila. Yun nga raw, kadiri, exponential daw ang paglaganap ng mga mikrobyo run. Nakakatuwa yung mga mukha nila, asiwang-asiwa sa amin. Kami tuloy, mas lalo namang ginanahan!
Pinag-usapan namin ang UPLB. Kakaiba dito, nagkasundo kami. Parang mas okay pa sa pinanggalingan namin, mas tahimik, mas masarap ang hangin, mas berde. Sabi nung isa, mas taimtimang makapag-iisip sa LB. Para sa isa naman, baka mas masarap mag-aral, baka maging henyo pa raw run! Okay raw dun mag-jogging, ika nung isa. Nakakatuwa rin ang LB para sa huli. Kasi malayo.
Ilang sandali pa ang tinagal namin duon, pinalipas ang iba't ibang kwento at laro. Umuwi kami pagkatapos mapakopya ang libro at tangayin ang pangakong original buko pie.
Tungo sa Kabilang Kanan
Taon na rin ang nakalipas. Salamat na lang at sa kabila ng lahat mikrobyo sa aming mga balumbalunan, buhay na buhay pa kami. May komunikasyon pa naman, bihira nga lang ang mata sa mata, pinagtitiisan ang mga elektronik na paraan. Heto kami ngayon, may kanya-kanyang landas, kanya-kanyang kanan.
Sa aking banda, bumalik ako kamakailan upang makilala ang mga sasakyang bus, masukat ang tagal ng byahe, at muling makilala ang mga landas. Inalam ko rin ang mga gusali sa tulong ng mga umaali-aligid na tao run. Preparasyon ito sa aking pangatlong pagbisita, ang demo.
Sa ikaapat na byahe, ibinigay sa akin ang listahan ng mga aasikasuhing papeles. Inumpisahan ko na rin ang aking medical clearance. Ngayon, pumunta ako para lang malaman na may "radiologically healthy chest" ako. Dagdag dito, maikakahon ako sa mga dimensyong 1.68 metro at 74.5 kilo. Kailangan ko pang bumalik bukas para sa mga karagdagang eksameng pisikal. Isa na namang araw. Isa na namang bilang.
Sa dyip, kaninang umaga, medyo makulimlim at mahangin. Umambon ng bulak sa pagitan ko at ng pulang-pulang punong kabalyero. Nagsasayaw pa ang bulak sa hangin, nakakaengganyo. Tila libo-libong wishy-wishy na kailangang unahan ng libo-libo ring hiling sa tadhana bago isa-isang lumapag ang mga ito sa lupa.
Buti na lang, sa harap ako nakaupo, katabi ng tsuper. Isinakop ni manong ang kanyang ilong sa kamiseta. Hindi ko alam kung nabasa niyang baguhan lamang ako, kasabay ng talamak na incoming freshmen. Basta minabuti na rin niyang magpayo.
"Umaambon ng bulak, masakit sa baga yan."
Nagpigil ako ng hininga.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento