Lutuan sa Los Banos
Kaarawan ni Daisy nuong Martes at isa iyong pambihirang pagkakataon na nagkaisa ang Alabang faction. Mahabang kwento kung paano kinuha ng mga bagong guro ng Departamento ng Humanidades sa Los Banos ang pangalang Alabang faction. Kinikilala rin namin ang aming sarili sa iba't ibang pangalan tulad ng Blockmates at Alabang mutiny. Sapagkat bukas ang journal na ito, hindi ko pwedeng banggitin ang aming mga simulain. Mababanggit ko lang siguro na sila ang madalas kong kasama sa mga departamento at teatro dito sa UP at sa mga sine sa Alabang.
Basta't sa puntong ito, pito kaming natira sa LB at nagkasama-sama kami sa loob ng isang oras. Natural na nagkaruon ng plano para sa susunod na kitaan. Si Tantan ang pasimuno. Nakarating na lang sa dulo ng mesa namin ang balak. Magluluto siya ng sinigang sa misu sa bahay nina Abi at She. Duon na rin ang hapunan. Mamaya mangyayari yun.
Nung nakarating sa akin ang plano, natuwa ako ng husto at nahalata yata sa di-natural na impleksyon ng aking boses: "Talaga? Sinigang sa misu!" Hindi rin naunawaan ni Amy kumbakit ganuon na lang ang eksklamasyon ko.
Hinuhulaan ko rin ang mga dahilan para sa saglit na iyon. Siguro kasi, nuong bata pa ako - mga elementarya o maagang hayskul - may mga kaibigan ako sa probinsya namin, sa Quisao. Isang mahalagang bahagi ng pagsasama namin ang isang tradisyunal na kitaang tinatawag naming "lutuan". Mapagkakasunduan ang isang araw. Kadalasang magpapanukala ang may pinakamalaking bakuran na maglutuan kami kasi pwede sa bahay nila. Wala sina Ermat at Erpat. Pupunta ruon sa takdang araw upang pagtulung-tulungan ang pagluto at syempre ang pagtsibog.
Kanya-kanyang toka iyon. May mga magdadala ng bigas, dedekwat sa bahay o tindahan ng tigdalawang takal na ilalagay sa plastik na pang-yelo. May magdadala ng gulay. May magdadala ng karne, o kung wala, delata. At may puputol ng sapat na dahon ng saging para gawing pinggan. Ambagan na lang sa sopdrink o sa bawal pang serbesa.
Tuloy sa lutuan mismo. May tokang maghiwa at magluto. Sa labas gagawin ito, sa 'maruming kusina' na tinatawag. Ang mga hindi nagluluto, pipitasin ang maaring pitasin. Husto sa hinog na bayabas at hilaw na mangga, halimbawa. Nagbabaraha, naghuhuntahan, o nagbabasketbol habang hinihintay matapos ang luto.
Tapos ihahain na ang mga pritong isda at porkchop. Kumpleto de yelo ang sopdrink. Nakahanda na pati ang panghimagas na panutsa o hilaw na mangga at bagoong. At syempre, umuusok pa, ang pangunahing ulam. Walang iba kundi ang sinigang na sardinas! May bayabas pa para mabango. Ibinubo pati yung sarsa sa lata. Sa maniwala't sa hindi, kasarap naman pagkatapos!
Natuwa lang ako kasi parang dalawang magkaibang mundo ang magsasalo sa posibilidad ng isang lutuan sa Los Banos. Lulutuin pa ang paborito kong sinigang sa misu. Kalahati yata sa grupo hindi pa natitikman ang sinigang sa misu. Kapag napagdaanan na nila iyon, ibabahagi ko naman sa kanila ang mga matulaing misteryo ng sinigang sa sardinas.
May mga toka na rin kami. Sa bahay nina Abi at She dahil walang matinong kusina kina Tantan. May mamalengke sa umpisa, maghihiwa, at sa huli, may maghuhugas ng pinggan. Dapat makasunod si Myke para may katuwang sa paghugas ng pinggan si U. May iihawin pa yata. Toka ko ang pagprito ng bangus at siguro pagsaing. Ayaw ni Tantan na magprito kasi takot siyang matilamsikan. Magdala sana ng serbesa o kape si Aissa.
Narito pa lang ako sa Makati, naglalaway na ako.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento