Peb 19, 2004

Tingnan Natin sa Lunes!

Ayoko na!

Miss ko na masyado mga estudyante! Napakawirdo ko talaga! Waaah! Isang linggo ko na silang hindi nakikita at sa Linggo pa ako makakabalik sa LB. Mga hinayupak na yan! Porke ba tambak sila ng mga papeles at groupwork at iba pang eklat para sa huling module ay may karapatan na silang magpa-miss?

Tingnan natin sa Lunes! Sopresahin ko kaya ng eksam? Kung hindi pa naman ako murahin sa student eval e! Wehehe. Kahit pa murahin nila ako sa student eval! Basta ba may isang magsabing gwapo titser, okay na e. Hehehe. Ambobo ko talaga. "All is vanity," pagmamalaki nga ni Shakespeare. Kelan ba ako na-exempt sa 'all'?

Mga sira ulo talaga! Pasalamat sila hindi ako naniniwala sa mga eksam pamparusa! Kung hindi, naku! Kung pwede lang mantiris ng utak e. Hindi corporal punishment yun di ba? Lambing lang. Kung alam ko lang, gusto na ring magklase at magkonsulta ng mga yan. Wehehe! E alangan namang hindi sila magtrabaho no? Ano sila, hayskul? Ano ko, hilo? Magkaklase kami kahit mas maraming gagawin sa labas ng apat na poste ng klasrum? Ano to selda? Paghusayan sana lahat ng yan! Laluna ang paggawa ng sariling lapida, wehehe. Sana may tumula. O kaya, mag-iwan ng payo. Desiderata ba?

Ano namang gagawin? Wow, gimik. Tingnan lang natin kung makapagpasa ng maaayos na papel ang nagpuyat lang sa mga kalokohan! E teka, kasalanan ba nila? Para namang tinuturo ko ang kahulugan ng buhay no!

Marami rin akong gagawin. Malaliman at seryosohan ang pagbanat ko sa mga epiko. Wow, kunwari iskolar. Wagi. Pusang hilaw! E bakit ko pa iniisip ang mga yan! Istorbo! Mga matang yan! Anghirap harapin. Kahit hindi nila alam, napakarami nilang hinihiling. Mas lalong magtahimik ang mapupungay na mata, mas lalong nakakatakot ang lalim ng hinahanap nila. O ng mga bagay na hindi pa nila natutunang hanapin.

Ano namang maibibigay ko sa mga yan? Puro that's entertainment? Puro kamorbidan ko sa klase? Paano nga kaya kung magkatotoo yung sinabi ko sa kanila na baka madale yung HM transport ko sa daan pabalik sa Linggo? Mahulog sa bangin! O maaksidente o kung anupaman.

Harhar, kahit pa! Magkaklase pa rin ako sa Lunes ng umaga! Malalaman na lang nila ang balita pagkatapos. Pero pgkatapos pa yun! Sa klase, masaya kami, magtatawanan pa at magbibidahan sa mga tsuging balentayms!

Tapos malalaman nila siguro sa TV o sa radyo o sa roommate. Malamang sa cellphone. Linggo pa lang pala ng gabi, namatay na ako kasi, habang natutulog sa biyahe at iniisip ang pakikipagsapalaran ni Labaw Donggon, naumpog ang ulo ko sa tumabi sa aking lasing. Sa isang saglit, naging kamukha ko ang sumulot sa asawa niya. At sa isa pang saglit, naging magaan ang bente-nwebe nya.

Ouch.

Tapos, pagdating sa Olivarez, bababa ako, maghahapunan tapos lesson plan eklat. Sa totoo lang, mag-iipon lang ako ng patawa. Syempre, excited. Klase na naman. Sabi nga ni Michael Jordan, play each game as if it were your last. O di ba sineryoso ko naman sya? Kelan ba naging laro ang klase? Ang buhay? Wow, rhetorical question ba drama natin ngayon? Basta papasok ako kinabukasan. Magmamadali pa ako kasi baka mahuli. Buhos-buhos na lang! Hilod na nga rin, kahit isang minuto lang.

Hindi ko sasabihin sa kanila na namiss ko sila, mga hinayupak na kinabukasan ng bayan. Hello Rizal? Cliche ka pa rin ba hanggang ngayon? Bakit kakaiba ang kinang ng mga mata nila? Sagutin mo nga aber?

Basta pagkatapos na nila malalaman, pagkapasa nila ng mga takdang papeles at lapida nila. Pagkatapos ng tawanan at mga makahiyang mukha na ayaw mag-recite pero todo pa rin ngumiti.

Ako rin, pagkatapos ko na lang malalaman. Sa pagtanggal ko ng kwelyo ko, magtataka na lang ako sa hitsura ko sa salamin. Ano ba yang suot ko sa leeg? Kahit naman kelan, hindi ako nagsuot ng pulang kwintas e.

Walang komento: