May bago akong set ng colored pencils at sketch pad. May pantasa pa kamo. Nadala ko pala sa Los Banos lahat ng materyales ko; natripan kong magdala sa Baguio, baka sakaling sumakit ang aking ulo duon.
Matagal na rin akong hindi nakakahawak ng colored pencil. Nagkakasya na ako sa lapis, sign pen, at bolpen na pula. Iyong pulang panda na mabango na nagtatae ang paborito ko. Kapag maluwag ang iskedyul, nakakapagpastel o techpen drowing. Pero hindi ako kagalingan. Napagkamalan ngang Fidel Ramos iyong Sartre ko. Pareho kasing nananabako? Ewan. May Rizal ako na kakaiba kapag tinitigan. Iminodelo ko kasi sa mga unang portrait kay Mao, wehehe.
Diyan talaga ako walang disiplina, sa pagdidibuho. Kapag tinopak ako, gagawin ko. Kapag hindi, kahit pa libo-libong komisyon, hindi ko magagawa. Siguro nakasanayan ko na lang kasi na duon itambak ang lahat ng mga sakit ng ulo ko. Nagdodrowing ako kapag inaatake ako ng migraine. Art therapy. Minsan kasi, kahit sumisirko-sirko na ang demonyo sa loob ng bungo, hindi ko pa rin trip uminom ng gamot. Dati, dinadaan ko sa tulog. Umiinom lang ako ng gamot kapag may dapat akong gawin at dapat madaliin ang migraine. Ngunit kadalasan, binubuno ko talaga ang demonyo kaysa maging dependente sa parmasya. Paborito kong teknik ang pagsakit ng ulo. Isang magandang komplementong nakuha ko nuong may tumitingin sa mga dibuho ko at sinabi ko ang aking kwento: Sana maging mas madalas ang migraine mo. Para magawa kong Mao ang lahat ng Rizal at Ramos ang lahat ng Sartre?
May colored pencil ako, nasabi ko na. Gusto ko ring patulan sana iyong Aquarelle ba iyon? Water-soluble na colored pen. Bale parang watercolor na ginawang solidong lapis. Marami na akong naiisip na posibilidad kasama ang isang basong tubig at yung mga bulak na nirorolyo sa posporo para sa tutuli. Pero balik muna sa mga beysik ang ating drama.
Kadalasan naman sa colored pencil, isa hanggang dalawang kulay lamang ang gamit ko. Mas natutuwa lang ako. Sa pastel ko lang talaga gustong gawin kapag full-color. Dati sa watercolor, pero mahabang istorya.
O ayan, isang walang saysay na post na naman, katulad ng lahat ng nakasanayan na sa akin. Bakit kaya? Ayaw ko pa kasing buksan ang bagong set. Sabi ko, sa Baguio ko na sila bubuksan, sa Linggo, para maseremonya. Kaso heto, naunahan na sila ng sakit ng ulo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento