Mapalad ang mga makalimutin: sapagkat nalalagpasan din nila ang kanilang mga katangahan.
Friedrich Nietzsche
Sipi Bago Mag-Lunes
Pumisat ako ng ipis bago ko sinimulan ang siping ito. Siguro kaya ko pinatay kasi inggit ako sa kanya. Mabubuhay siya sa kabila ng nukleyar na digma, ayon sa mga siyentipiko. Iyan lang ang maisusulat ko tungkol sa araw na ito na Araw ng Kasarinlan.
O Kalayaan. Para sa akin, ang araw na ito ay ekstensyon at rurok ng isang mahabang preambulo bago ang unang araw ko ng pagtuturo sa Lunes. Oo, pang-apat na unang araw ko na ito. Ngunit marami pa rin akong mga nagsisirkong saloobin at kumakalabog na ideya. Siguro walang ibang paraan para sa akin na magsimula ng isang semestre. Sabi ng kapatid ko, ikatlong tao na raw akong kakilala niya na adik sa pagtuturo.
Ang totoo riyan, kinakatakot at kinamumuhian ko ang araw na magsisimula ako ng semestre na walang kabog sa dibdib. Palagay ko kapag nangyari iyon, umpisa na ng katapusan ko bilang guro. Kung hindi pa siguro bilang tao. Huwag sana akong madatnang buhay ng araw na iyon! Kaya naman kahit papaano, may saya ako sa aking pagkabagabag. At natutuwa akong kada semestre, iba ang aking kinakanerbyusan.
Gayumpaman, kailangan kong lagpasan ang ganitong malalimang kati. Kaya tuloy maligaya ako sa mga nangyari kahapon. Hayaang ipaliwanag ko ang biglang pagbaling sa kahapon gayong paharap na nga ang inestablisang oryentasyon. Maraming magandang nangyari kahapon sa Diliman. Marami rin akong magandang nakasalubong at nakasalamuha, ngunit ang ilang pangyayari lamang ang tututukan ko. Baka kasi magreklamo ang mga taong mapapapangit lamang ng anumang kaugnayan sa akin.
Ilang kabanata pa lamang ng librong Bukod na Bukod ni Isagani Cruz ang aking nababasa pero ipinangangalandakan ko na ito sa halos lahat ng makasalubong ko. Sa wakas, isang kritika tungkol sa kritika na sang-ayon sa sarili kong tibok! Sa librong ito, nagtatatag ng panibago at pasulong na muhon si Cruz sa larangan ng kritikang pampanitikan sa Pilipinas. MakaPilipino at Makatao ang pagkakahilig ng gawa, pinagmamalaki ni Cruz. Wala na raw siyang paki sa mga MakaKano at makahayop na oryentasyon.
Ibinida ko ang libro maging sa aking Propesor, ang tagapayo ko sa aking undergrad tesis. Ngunit hindi lamang iyon ang aming napag-usapan. Idinulog ko rin sa kanya ang aking mga pangarap para sa klase (natalakay ang ilan sa nakaraaang entri). Ibinigay niya sa akin ang kanyang payo. Malugod ko itong tinanggap at itinapat sa mga estilo ng ibang gurong kasabayan niya, nagturo sa akin, at mga nabasa namin. Dumalo siya sa aking ehersisyo sa kabila ng kanyang maraming ginagawa at nagalak naman ako.
Kinumusta niya ang pag-usad sa postgrad. Sabi ko ngang tinatrabaho ko ang larangan ng epiko. Siyam na lang ang natitira kong yunit at pinagsabay-sabay ngayon para komprehensibong eksamen ang matitira sa susunod na semestre. Hindi ko pa nagagawang magsiyam. Paanim-anim lang ako dahil sa byahe. Ngunit palagay ko, dapat kong pangunahan ang aking inip. Sapat na sa kabanatang ito ang tatlong taon sa aking palagay. Bahala na kako. Labinglima pa rin ang yunit ko sa Los Banos.
Sinabi ko namang naintriga ako sa kanyang salin sa God of Small Things ni Arundhati Roy. Babalik akong may ipapapirmang kopya, sabi ko. Tinalakay namin si Roy, ang kanyang pahayag hinggil sa Iraq, at syempre ang hirap na dinaanan ng Propesor sa pagbuno sa tila simple ngunit malalim na kasalimuotan ng wika ni Roy.
Sa kurso ng pag-uusap, nadaanan ang ideyang pag-aralan ko at gawan ng artikulo ang salin. Mahabang panahon ang kailangan ko para mabuo ito dahil nga sa tinatapos kong pag-aaral. Kapag nagkataon, handog ko sa aking ina ang unang postgrad. Sa Propesor naman, ang anumang isulat ko tungkol sa kanyang trabaho, una na itong salin. Sa larangan ng pagsasalin ang gawang ito, akademiko ngunit malamang na nasa labas ng aking kurso sa Sentrong Asyano.
Namaalam ako, nangakong ipagpatuloy ang ugnayan. Napuno na naman ako ng maraming ideya, isasaalang-alang, at alanganin. Ngunit, sa halip na lalong bumigat ang munti kong daigdig, mas gumaan. Malakas at malusog pa rin ang tibok, pero mas kampante, mas may ritmo.
Pagkaraan nito, nakasalamuha ko ang ilan pang magagandang tao, mga kaibigan sa loob at labas ng tatlong kwarto sa Bulwagang Rizal. Naghapunan ako sa Katipunan kasama ang dalawa sa kanila, tinalakay ang mga subtitle ng pagkain, tinaasan ng kilay ang eksibisyon ng matulaing dugo at basag na lampshade, at minwestra ang mga bagay na 'groovy' at 'cool'. Makalipas nito, sinalubong ko ang nagliliwaliw na mag-anak sa Makati.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento