Set 12, 2004

Ligaw

Sa iyong palagay, hindi ko alam na binabasa mo ako. Ngunit mali ang iyong pagkakaunawa. Sa iyong buong akala, walang balat ang talata, walang antena ang pangungusap, at walang puso ang kataga. Basahin mo ako, aking lihim na mambabasa. Basahin mo habang ako mismo ay nagbabasa. Heto, halimbawa ang tula ni Lamberto E. Antonio, isang piyesang pwedeng-pwedeng pagsaluhan. Pinamagatang "Sa Kaarawan Ng Makata" itong handog ko sa iyo. Tanggapin mo sana, huwag mahiya. Hindi monopolyo ng makata ang kalinangan at kagandahan.

Gugutumin lang daw ako sa pagsulat;
Ngunit ang panulat itong aking buhay.
(Sa palad ay lubhang mailap ang pilak
Sapagkat sa dustang uri nabibilang).

Nabubuhay rin ako sa akala. Ang sabi nila: principio, conviction, o raison d'etre. Wika ko naman bilang salin o tugon: 'akala'. Ang akala ko, maililihim kita habambuhay, hanggang nakatago ako sa punyetang pungay ng mata ng mundo, nakalibing sa talukap ng daigdig. Patay na sana ako kung hindi lang kita kailangang itaboy. Ngunit buhay ka, nararamdaman ko ang iyong paglapit, nababasa ko mula sa iyong titig at ngiti. Aatras ako ha? Hindi ito basta hiya pero kailangan kong payukod na tumalikod upang iwasan ang lalim ng mga mata mo.

Mahigit dalawang dekada sa mundo:
Mga taong saklot ako ng pighati,
Pangarap, pag-asa, lugod at silakbo
Na naitutulang nagdurugong ngiti.

Hihilingin ko sanang iwasan mo naman ang talim ng aking mata. Kaya kong patagusin ito, maniwala ka. Hihiling sana ako, paluhod kung kailangan! Ngunit hindi ako tungkol sa mga hiling; hinggil ako sa mga akala. Maligayang bati ng isang malayong makata, halimbawa, ang binabasa habang ako mismo ay narito, nalulunod sa mapanganib na tunog ng 'ano kaya?' at lagi kang pinapangarap. Ikaw naman, hinihiling mong buuin ko ang iyong ngalan. Kulang pa bang isukat kita sa isang palayaw? Hindi mo ba mahinuha sa isang pantig ang pintig ng salita, wasiwas ng pangungusap, at pawis ng talata? Gusto mo sigurong malaman kung ano ka sa akin. Alamin mo! Gusto mo sigurong marinig ang tamis ng iyong pangalan mula sa aking bibig. Pakinggan mo! Hindi mo ba kayang tikman mula sa piging ng aking katahimikan ang walang hanggang lasa ng iyong pangalan?

Nagdaan sa aking buhay ang umasa
Laban sa pag-asa, pagkat ang damdamin
At diwa'y may sapot ng pangungulila
Na hindi maugat ang huklubang dahil;

Limit kong ituring na isang tadhana
Ang karalitaa't panagimpang bigo:
Ang buhay ko't lahat ng buhay sa lupa,
Itinakdang maging hungkang at baligho;

Ngunit nakita kong may libong kawangis
Ang danas kong hindi sinlubha't sintindi
Ng danas ng ibang kahit tumatangis,
May pag-asang muli't muling nagsisindi.

Kung hindi mo lang ikahihiya, ipagsisigawan ko ang iyong pangalan. At bakit hindi? Sinabi ko sa iyo, nuong naramdaman kong ika'y nakikinig, na may dalawang paraan naipapahiwatig ang pag-ibig: pasigaw o pabulong. Sa iyo ko rin sinabi na may dalawang uri ang kawalang hanggang isinasaprosa nina Borges at Calvino: ang disyerto na di masusukat ng tuwid na linya ni Euclid at ang labirintong kumikiwal-kiwal ayon sa kurbadong komputasyon ni Riemann. Paano ko pipigilang ibunton sa kubling hinga ang iyong pangalan gayong duon ko lamang naintindihan sa iyong presensya na hindi ako ang sentro ng aking labirinto? Ayon sa sipi ni Pascal, walang sirkumperensya at lahat ay sentro. Alam mo bang ikaw itong tinatawag na 'lahat'? Ngunit mas mahalaga ang iyong kahihiyan kaysa anumang pipitsuging pag-ibig.

Paano pa nga ba maisisiwalat
Ng isang makata ang katotohanan
Sa gutom ng laksang kauring mahirap
Kung ang panulat ko'y aking bibitiwan?

Akala mo hindi kita kilala. Sa iyong buo at mahusay na pagpapalagay, walang kinalaman ang aking tibok sa iyong titig. Marahil tama ka at dapat kitang batiin. Pwedeng mali ka, kilala pala kita at magkaniig ang iyong mata at aking tinig. Kung gayon, kailangan kitang batiin sa tagumpay ng iyong di sadyang pananalakay. Ngunit, aking lihim na mambabasa, lumayo ka sapagkat hindi kita nais makitang nalulunod. Isusumpa kita kung may kapangyarihan ang aking pantig; babasbasan kita kung sagrado ang aking laway. Pero, sapat na sanang usalin ko ang iyong palayaw bilang panuldok sa aking payo. Pakiusap! Sapagkat sa totoo lang, wala akong sapat na alam o akala sa lalim ng aking nararamdaman.

Walang komento: