May palandas-landas pang nalalaman
O heto writing prompt* para sa mga trip magsulat nang tuluyan. Ganito ang instruksyon sa mga writing prompt o 'tulak sa panulat'. May isang teknik o linya na ibibigay sa iyo upang magsulat ka nang tuloy-tuloy, walang patumpik-tumpik, at walang alinlangan na para bang mapipigtal ang kulot na kurdon ng buhay mo kapag umangat ang iyong boligrafo. Linya ang gagamitin natin. Kapag napatigil at hindi na alam ang isusulat, bumalik sa prompt. Mga poseur lang ang naniniwala sa writer's block.
Anumang landas ay landas lamang. Subukan makailang beses kung kailangan. Ngunit itanong sa sarili mo at sa sarili mo lamang ang isang tanong: 'May puso ba ang landas? Kung meron, mabuti ang landas.
Kay Carlos Castaneda galing ang mga linya. Ano, handa? Simula!
Walang puso ang landas mo. Walang puso, walang puson, wala ni pitso, walang piston. Walang motor o pedal ang tutulak sa akin sa huwad na lakad mo. Mag-isa ka.
O kung sasamahan kita, alam mo ang interes ko, malinaw na malinaw parang bulalakaw sa gabing itim na illustration board. Pero kung ang gabi mo ay likod ng ATM card, mag-MRT card ka na lang at dumiretso sa SM North, magliwaliw sa sine, pumunta sa Monumento pagkatapos, yakapin ng titig ang tilos ng batong gulok, at sumakay sa anumang provincial bus. Piliin ang probinsyang hindi mo kilala ang mga reflector na titik.
Siguraduhin mong wala kang idadamay sa makasarili mong paimbulog na spiral. Malapagong man akong kumilos, o Akileus, matibay ang aking bahay. Malambot ang iyong sakong. Okay lang na tumakbo ka nang tumakbo, pero punyeta pag may sinagasaan kang hindi dapat, makakakilala ka ng diablo. Magigi akong Kappa. Hindi ang mga walang bayag na fretmen na kayang-kaya mong mapaalab mula sa kanilang mga hungkag na kaibuturan (kailangan pa ng palo para lang malamang may balat kayo, medyo tanga, hindi pa ba tinuro ng mga ama ninyo?). Kappa. Umalis sa Griyegong google at pumunta sa Hapon kung nais mong maintindihan ang trip kong ipalulon sa iyo.
Kapal naman ng mukha mong magdala ng bata sa balikat mo e alam mo namang tumatakbo ka sa kung anong panganib. Tandaan mong piksyunista ako, noy, hoy hoy juloy! Kilala ng sinungaling ang sinungaling, intiendes? No? Binalaan na kita. Hindi ko kayo puprotektahan. Alam mo ang pinasok mo. Kilala mo ang sakong mo. Dapat batid mo ruon sa kulubot ng balat ang mga luray na katawan ng pusang dinaanan ng bagyo, ang mga inihagis na katawan ng pinagpyestahang anatomy ng palaka, ang upos na yosi, ang mga kalat, ginto, patay na dahon.
Ano'ng karapatan mong magdala ng ibang buhay sa kabilang buhay mo?
Magtitimpi ako sa ngayon dahil taktikal, dahil maaari, dahil, trip ko. Diretsong linya man ay labirinto, o maliit at nakakairitang tao. Tao? Akala ko ba sabi mo patay ka na? O linya lang ba iyon?
Aco, hindi patai. Hindi aco patai. Patai aco hindi. Aco patai hindi. Patai hindi aco. Aba, baca icao!
Mahinahon ang lakad ko, parang umaga ng hamog papuntang forestry o IRRI. Mahinahon ako parang hamog. Mapagtimpi ako, parang tula. Marahas ako, parang tula, parang yabag sa tuyot na talulot ng mga mundong yumaong walang pangalan. Tuwid ako, parang palaso, parang lapis, parang etits, parang linya ni Euclid. Diretso ko sinabi sa iyo, kaibigan kita, kaibigan, kaibigan. Ngunit alam mo ang linya ko. Hanggang duon lang ako. Limitasyon ang tanging ipinagmamalaki ng mga tao. Limitasyon, limen, ang matinding pagkakaintindi sa mga limitasyon. Iyan ang yabang ng tao. Magtatapos siya, parang anumang kwento. Kung kaya't ang mga sandali niya ay walang hanggan.
Ikaw? Kaya mo bang mapirmi? Kaya mo bang manahimik? Akala mo ba makakalusot ka, ganuon lang, sa mga binitawan mong salita? Hiningan kita ng kung ano ang tatalakayin, wala kang kagalang-galang, ni hindi mo binanggit isa mang bullet sa iyong listahan. Buti na lang (aba magpasalamat ka!) mas matindi ang sakit ng ulo ko kaysa sa boses mo.
Isa pang mensaheng matatanggap ko mula sa iyo sa telepono ng nanay ko na walang kinalaman sa pag-atras mo sa paglalagay ng mga bata sa panganib, makakatikim ka ng umaagos na lason ng tinta. Magigi kang imortal, iyon naman ang gusto mo hindi ba? Imortal, tulad ng nakasabit na pinaliit at pinatuyong ulo. Imortal, tulad ng aluminum na lata na pinagpapasapasahan ng kotseng built-in ang obsolescence.
Kaibigan, kaibigan, mahalaga lamang ang trahedya kung hindi ito ginagamit na salapi. Hindi mabibili ng kwento ang aking pagsunod sa iyo laluna't hindi mo mahawakan ang iyong sarili. Matanda na tayo, tayo lang ang dapat makaranas ng hagupit ng panahon. Ngunit bayaan mo sila, berde, na mangunyapit sa kanilang mga nakagisnang ugat. May paraan at panahon ng pagpalakas sa kanila. Mali ka sa dalawang punto. Para sa akin lang naman. Para sa akin.
Mananahimik tayo. Ikaw sa iyong trahedya, ako sa akin. Magigi tayong mag-isa, sa kabila ng napakaraming nakaligid. Ito ang kondisyon ng aking landas.
Iisa ang puso nito. At ang pusong ito, sa ayaw mo o hindi, ay lingid.
Ano ba? Sasabay ka ba? Lalakad na ako.
*Walang sense ang writing prompt. Wala itong kinalaman sa mga tao sa totoong buhay. Anumang hawig o pagkakatulad ay hindi sinasadya. Bakit, kontrol mo ba ang iyong unconscious? Kaya nga unconscious e: unconscionable? Bakit, may kaibahan ba ang hawig at pagkakatulad? Wala itong silbi maliban sa mailabas ang utot ng utak para masimulan ang isang matiwasay na pagbabawas hanggang maabot ang success! na pangako ng mga diyos ng advertising.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento