Tinadtad ang mga ideya at isinahog ang kambal-dila para sa salusalong ito. Sana may sustansya. Masimot man o hindi, tanggapin ang aking pasasalamat sa iyong pagtikim.
Ago 22, 2008
Sapagkat Hindi Kaning Basta-basta Iluluwa Kapag Halumanis
NENENG - Tay, siya ho uli, yung babae. Hinahanap kayo.
TATAY - Ano daw kailangan?
NENENG - Closure daw po.
TATAY - Ay si Mama mo yan. Sabihin mo umuwi na at malapit nang maghain. Lalamig.
NENENG - E paano na ho yung closure?
TATAY - Sige na kamo! Ako na rin ang maghuhugas.
Ago 14, 2008
Oras para sa Kumot
NENENG : Tay, wala ba kayong kwenta?
TATAY : Kwento ba kamo?
NENENG : Kwenta po.
TATAY : May isang bata, babae, pero nanaginip siya na umuulan ng yantok, tsinelas, at sinturon--
NENENG : Panaginip lang ba uli? Gudnayt na lang ho.
TATAY : Gudnayt mahal ko.
Ago 1, 2008
Kid Gloves
EKSENA: Tatay sa kusina, tuloy-tuloy na naghihiwa ng mga sangkap para sa kanyang Bicol Express. Maghihiwa siya sa buong eksena habang ang kanyang anak na si Neneng ay nasa salas, naglalaro, pinahahabol sa mga Bratz ang mas malaki, mas mabuhok, at mas malambot na laruang oso. Sapagkat may pader sa pagitan ng mga tauhan, pasigaw ang buong diyalogong ito:
TATAY - Neneng mahal ko! Ipitas mo ako ng labuyo sa labas.
NENENG - Kayo na lang ho.
TATAY - Mag-gloves ka please. Makati yun.
NENENG - Naglalaro pa ho kasi ako.
TATAY - A, laro bale. Nung bata kami, ang laro namin habulan. Yung taya maghuhugas ng minola. Sa palad. Tas kukuyumos ng labuyo. Pag nahuli ka, lalamukusin niya pisngi at labi mo. Minsan 'nak, maski ilong.
NENENG - (Tumayo) E nasan po ba ang gloves?
TATAY - Mata ang pinanghahanap, hindi bibig.
NENENG - Opo. Nakita ko na ho.
Sa katunayan, hindi pa nahahanap ni Neneng ang guwantes. Nakadungaw siya sa labas ng bintana kung saan naroon ang halamang labuyo at ang mga saluwal ng kanyang ama sa sampayan. Nakabaligtad ang mga shorts at alam ni Neneng na tuyo na ang mga iyon.