Bakit tumutulo na lamang ang dugo mula sa ilong
na hindi man lamang naaamoy? Nararamdaman na lang ng balat
tungo sa labi na gumagapang ang hindi dapat nangyayari
Na sige, yayariin na ang lahat maliban sa humarap
sa tao. May mga tao man o wala na matatag pa sa bahay
Sa loob ng 200 metro kung saan bawal ang bahay.
Taghangin daw pero bakit mainit at bakit pinagsusundot
ng pula? At kung tulad nila Mila, kung nasa interes natin
Ang magsasagot ng mga tanong sa silid
bakit hinayaang maging ganap ang hugis
ng mikrobyo sa tubig-aralan? Batid kong pulido kang magtrabaho
Sa mahahabang antas ng salagimsim, at
na simula pa lamang ito ng mapagbunga nating pag-uusap, pero
masdan paulit-ulit—at bantayan
Kung nagaan o hindi—
ang pinapansin muli’t muli
Halimbawa na ang ganitong pagtitig sa nakagisnan mo
nang hindi na umaasa pang mawarian ang balakang ng iyong sipat
(pinag-aralan mo iyan, pinag-aralan tas kinalimutan
Kumbinyente kung kumbinyente) o, paano
pinagwawalis na ako ni misis habang nananatili sa salas
Ang iyong balakubak. Buti ka pa, nakaranas ka na ng niyebe.
Kailangan ko pang umarkila ng sasakyan
pa-Maynila, pa-karnabal
Kung saan magsusumuot sa tsaketa
at pipikit kapag walang nakatingin, at mahigpit na yayapos sa sarili.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento