Tinadtad ang mga ideya at isinahog ang kambal-dila para sa salusalong ito. Sana may sustansya. Masimot man o hindi, tanggapin ang aking pasasalamat sa iyong pagtikim.
Nob 23, 2001
Sa mga piraso ng karanasan, mga sari-saring tekstong hinimay mula sa dating konteksto (o ikinabit sa mga kontekstong at ko-tekstong dati ay banyaga, hal. pagpares ng "pagkain ng bopis" at "pagnamnam sa buhay sa pamamagitan ng pagtipon ng diary, dyornal, o blog), at mga "pagkakaunawa" at interpretasyon, maari tayong makakita ng isang kalipunan ng mga watak-watak na laman-"loob." O maari natin itong iproseso, lutuin, at bigyan ng konting alat, asim, tamis at (pinakamahalaga!) anghang. O sige, lagyan mo na rin ng food coloring kung gusto mo ng blue-pis. Pero ang mahalaga ay ang pag"angkin" sa karanasan at kabuluhan. Mahalaga na pagkatapos ng lahat, kahit maraming nawaldas, karamihan sa "piraso" ay naging "sangkap." At ang lalabas, kahit singgulo ng hitsura ng bopis, kapag tinikman, malalaman ng dila na mayroong linamnam (kahit kaunti). Kung tutuusin, kaya malinamnam at masustansya ay dahil mismo may kaayusan sa likod ng tinambak na sili, paminta, at laman-loob. At sa kamatayan, may nekromansya. Bagong-buhay...
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento