PUTOL NA LINYA: Nakawan ng Cell Phone
"Ate nawalan ka ba ng phone? Bakit di mo tinext sa akin?"
-walang kwentang hirit.
Ni hindi natawa si Ate. Pero hindi rin siya nainsulto. Alam naman niya kung anong gusto kong gawin. Gusto ko lang pagaanin ang loob niya. Wala kami sa lugar ng panlipunang strata kung saan para lang paper plate ang cellular phone. Sa estado namin, para iyong fine china. Porselana pero ginagamit, hindi nakalagay sa espesyal na estante.
Bigay ni Ma iyon mula sa kanyang sahod bilang guro. Gamit na gamit naman ni Ate iyon at hindi lang para sa pakikpagsosyalan. Intern si Ate sa UP-PGH. Sa awa ng Diyos, sa susunod na taon, gradweyt na siya. At sakaling pumasa ng Board Exams, M.D. na. Iyon na rin ang nagsisilbing "buzzer" niya. Gamit na gamit iyon lalo na nitong krisis namin sa pamilya nang naospital si lola. Mga doktor at kamag-anak ang ka-text, "hotline" kumbaga!
Nawala rin sa ophthalmology ward. Ninakaw at hindi nakita ni ate. Ironic rin sana kasi hindi niya nakita sa ophtha ward pero namumuro na ako sa paghirit e! Kunsabagay, naiintindihan naman niya. Kasi nawalan na rin ako ng telepono. Bad trip rin kasi grad gift sa akin iyon e. Alam niya na hindi ko minamaliit yung karanasan, gusto ko lang na malagpasan na niya ang kanyang pagluluksa sa lalong madaling panahon. Kasi, kailangan na niyang mapag-isipan ang isang alternatibong sistema para sa mabilisang komunikasyon habang pinag-iipunan (ko?) pa ang kapalit. Kumbaga sa relasyon, move on. Basag na e.
Mas lalong nanghina ang loob ni Ate nang sinabi ng co-intern niya na baka isang tao sa loob ng ward, isang estranghero o bantay ang nakadali. Isipin nga naman, yun pang mga taong tinutulungan ang kumuha! Malaki talaga ang pangangailangan ng mga tao sa ward. Lalo pa siguro at Pasko. Nagkakandaloko-loko na nga rin ang angkang Aguinaldo para sa itutustos sa operasyon ni lola e. Paano pa sila? Kahit hindi pay yun, may mga obligasyon pa rin sigurado. Pwedeng pakiramdam niya, nasa tama siya. Ganoon ang tawag ng pangangailangan e.
Pero, isang senaryo lang iyon. Marami rin ang talagang halang ang bituka, iyon bang handang pumatay ng tao. Apat na ganoon yung nakakuha sa yunit ko. Buti na nga lang, buhay pa ako. At si Ate. Maraming kahabag-habag na dokumentadong kaso ng mga kapwa nating hindi ganoon kaswerte.
Isang pangkaraniwan na karanasan na ito para sa mga Pinoy sa Pilipinas, probinsya man o lungsod. Maraming Pinoy ang nawalan o nanakawan ng telepono. Wala akong kilala dito sa Pinas na walang ibang personal na kakilalang nawalan. At syempre, may pangilan-ngilang Pinoy na nagnakaw, kasamahan ng magnanakaw at opereytor mismo sa merkadong itim.
Isang tulay, isang kagamitan ng komunikasyon at pakikipag-ugnayan ang cellular phone. Ituring man itong isang parikala o irony, isang palaisipan na karapat-dapat lang malutas, o isang panghuling hirit ng isang asar-talo, iiwan ko sa inyo ito: paano nga ba na isang instrumento ng pakikipagkapwa-tao ang nagsisilbing indikasyon at lugar para sa ating mga hidwaan?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento