Mga Bulaklak ng Bukang-Liwayway,
Pinitas sa Takipsilim
Isa sa pinakamahalagang batis na nakahawa sa akin sa larangan ng pagsasanaysay (pati pagjornal at pagblag na rin) itong kompilasyon ng mga sanaysay ni Lu Hsun. Pamagat nito, "Dawn Blossoms Plucked at Dusk".
Natagpuan ko sa kanyang kanyang mga salitang hinabi ang mundo ng mga Tsino nung kapanahunan niya. Naranasan ko sa pagpapahayag niya ang matitingkad na saglit ng kanyang kabataan, ang mga bagay na naikulong at nakatakas mula sa kanyang mga alaala. (Dahil na rin sa problema sa transportasyon at sa paglipat-lipat niya sa iba't ibang dako ng Tsina at mundo, naiwan at tuluyang nawala ang pinakamahahalagang teksto ng kanyang kabataan. Nakapanghihinayang.)
Madali akong napadala sa senso ng katarungan ng batang Lu Hsun. Bata pa lang, matingkad na ang pag-usisa tungkol sa pagkapantay-pantay ng tao. Magandang bagay naman na mapasasalamatan natin tungkol dito, matingkad rin ang kanyang gunita at nakaya niyang alalahanin ang mga karanasan, maging ang kanyang mga interpretasyon at sentimyento ng kabataan maging sa kanyang "takipsilim."
Madaling matagpuan ang paghahanap ng kaayusan ng musmos. Naghahanap ng mga padron at pagka"sistema" ng kanyang kapaligiran. Buhay na buhay ang ganitong paghahanap sa kabataan ng mundo. Kung tutuusin, isa itong modo ng survival.
Pero ang katarungan ay ibang bagay. Kaayusan din ito pero sa pagitan ng mga tao. Hindi ito pagtingin lang para sa sariling kaligtasan kundi pati sa mas mabuting buhay para sa iba. Anumang, estado niya sa buhay. Jolog o Konyo, Masa o Burgis, Itim o Puti (at Dilaw!), Matanda o Bata, Lalaki o Babae. Naghahanap ka rin ng mga unibersal na sasakop hindi lamang sa mga bagay-bagay sa paligid kundi pati sa mga tao.
Kaugnay nito ang pagtanggi, bata pa lang, sa mga establisadong mga pamamaraan at pag-iisip. Galing! Bihira sa bata ang ganito. Sa totoo lang, para syang "social prodigy" sa aking panimbang.
Napakasarap pang basahin ng estilo nya. Mahalimuyak talaga. Pero hindi masansang, hindi nagsusumigaw sa bango na tila ba mabilis gumuhit sa ilong at kumakagat sa utak! Hindi! OK nga e. Para bang sumasagi sa ilong mo, marahang nanunukso, ang ilang mga amoy na pamilyar sa iyo noong kabataan mo. Pero hindi lang siya isang byahe sa landas ng gunita. Kaugnay nito, napasunod ako sa halimuyak ng mga talulot, napapahanap ng kahulugan kumbakit nasalubong muli ang mga bagay ng nakaraan.
At tulad ni Lu Hsun, parang mahahalina ang mambabasa na ihabi rin ang kabuuan ng kanyang buhay sa isang buo, makahulugan at makabuluhang salaysay.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento