Semana Santa
Ito ang una kong Semana Santa na wala ang Inang, ang aking lola.
Sa unang pagkakataon, hindi na ako nagbabakasyon mula sa eskwela. Pahinga lamang mula sa trabaho kaya't parang minamadali ang pagninilay-nilay.
Kakaiba. Hindi na nga ako umuwi sa probinsya namin sa Rizal at pinagpasyahan ko na lang manatili dito sa bahay. Parang napakaraming nakalipas - mga nakaraang Biyernes Santo at Sabado de Gloria, mga prusisyon, mga dinedekorasyunang Santo, mga tinatanaw sa mga dinadaanang mga bahay, mga kandila, mga Senakulo na hindi ko mabuo-buo, mga simba, mga pinsang kinasabikang makitang muli, mga Pabasa, mga pinagmamanuhang nakatatanda. At syempre, pangunahin, ang nag-iisa ko nang lola.
Naalala ko pa dati, kapag masyadong magulo ang mga bata, napagsasabihan niya: "huwag kayong maligalig, patay ang Diyos". At napapangiti kami, "ang Inang talaga, nanakot pa!"
Ni hindi ko man lamang pinanood ngayon ang prusisyon dito sa Makati. Iyong mga tinatanaw ko dati sa prusisyon sa Rizal, may mga sariling pamilya na. Hindi ko alam kung may Senakulo ngayong taon. Iyong pinsan kong gumaganap at umaawit bilang Kristo, nasa Canada na. At malabo nang magkasama-sama pa ang magpipinsan ngayong sumakabilang-buhay na ang Inang.
At baka ito na lang ang matitirang puwang para sa anumang pagninilay-nilay. Sa ligalig ng kalooban.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento