Tag-init 2002
Napaka-init! OK mag-ice candy, ice buko, kahit ice tubig! Ang masarap ngayon, maghalo-halo! O di kaya, mais con hielo. At sa mga panahon ngayon, sadyang napakabuti ang samalamig.
Iyon bang hindi lalagukin agad-agad. Unti-unti, parang nasa komersyal. Ninanamnam talaga ang lamig, pangalawa na lang ang lasa.
Naalala ko iyong sinabi ng infamoso kong ate na kung gusto kong magpalamig, magmainit na inumin ako, halimbawa kape o tsokolate, at kapag nilalamig ako, magmamalamig akong inumin, tulad nga ng sopdrink na may yelo. Paglaon raw kasi, kung mainit na at nagmainit ka pa, papawisan ka nang husto kaya mawawala ang internal na init. At kapag malamig na nga at nagmalamig ka pa, hindi ka mamamawis kaya't mas lalong makukulob ang init sa katawan.
Syempre, hindi namin ginagawa ito. Natutuwa lang kami sa teorya e, napakalinis sa papel! Pero napakamasokista ko naman kapag ginawa ko iyon ngayon! Miski pawis ko e namamawis na yata!
Ang masarap ngayon, tumapat sa electric fan o magkulong sa akondisyonadong kwarto. OK rin siguro magsuroy-suroy sa loob ng mga mall dahil nga libre gala at akondisyon duon! Pero kung magkapanahon man ako sa mall, manonood ako ng Ice Age para talagang tumiim ang lamig pati sa mga mata at utak!
Ang masarap ngayon, lumangoy. Nuong nasa eskwela pa ako, may mga liksyon kami sa paglangoy. Pati sa Peyups, iyon ang kinuha kong P.E. Pero hindi ko pinagtuunan ang bilis sa paglangoy. Galit ako sa timer. Ang gusto ko, magbabad. Pasisid-sisid, parang naglalamyerda sa tubig, mala-little mermaid! Wow sarap!
Kaso ansama namang magka-sunburn ngayon! Aray ko po! Parang ayaw ko na sigurong dumikit sa anumang nilalang kapag ganun! Galit-galit muna, hehe.
Pero, trabaho muna, pampainit bago pampalamig. Kape sa gabi, tubig sa umaga. Langoy-utak na lang muna.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento