MGA RITWAL SA TAG-INIT
Prolog
Tapos na ang Semana Santa. Kung sa puso natin, araw-araw Pasko, sa mukha naman, araw-araw pa rin, Biyernes Santo.
Saan kaya nanggaling yung ekspresyong iyo ano? Mukhang Biyernes Santo? Dahil kaya sa mukha ng mga matatandang mapag-isip o talaga namang malungkot, tila naglalamay, sa pagpapatuloy nila ng kanilang panata sa Pabasa? O baka naman hindi ganuong kasagrado?
Hindi kaya hitsura ng mga batang lalaki sa bingit ng kanilang rite de passage? Hala, kagat-kagat ang dahon ng bayabas (kasama na ang tangkay, para sigurado)! Sobrang takot ng sa mukha, matatawag na rin sigurong hinagpis, ipit sa pagnanasang tumakbo palayo at sa pangangailangang itaguyod ang tapang at pagkalalaki. Matatawag din kayang Mukhang Biyernes Santo ang mukhang ito, matang tutok sa talim at pamukpok ng tagatuli, halata sa puso na nais nang lampasan ang bahagi ng ritwal at tumalon na sa dagat.
Lutuan
Dahil tubong Maynila ako at mas naniniwala sa modernong agham ang mga mabulang ko, sa gauze at hindi sa langgas, hindi ako nakasama sa ritwal na iyan.
Iba ang ritwal na dinadaluhan ko sa aking kabataan. Duon ako nagbabakasyon sa amin - sa barangay Quisao, Pililla, Rizal - kapag tag-init. Duon po sa amin, magaling ang mga tao sa halos lahat ng bagay. Kapag naruon ako, nararamdaman ko ang sakop at lalim ng aking pagkabobo.
Gayumpaman, nakakasalo pa rin ako sa ilang mga ritwal. Paborito ko ang lutuan. Ginagawa ito ng mga magkakabarkada, kahit puro lalaki, puro babae, puro tinedyer, o puro matanda. Kapag tinedyer ka, tatakas ka ng bahay sa udyok ng mga kaibigan. Ikaw naman, sabik tumakas sa pag-igib, pagsaing, at pagluto sa bahay. Itatakas mo ngayon ang ilang salop ng bigas na ilalagay mo sa plastik na para sa yelo. Pipilitin mo itong ibulsa.
Tapos, dalhin mo na kung ano ng matatangay mo. Isisiksik sa bulsa. Sisipol ang mga kaibigan. Ito ang iyong senyal. Ito ang pangalan mo sa kalye. Kung makulit ka, hindi ka na magpapaalam. Mahahagilap ka rin naman e, maliit lang ang Quisao.
Sasama ka sa bukid o looban ng isang kaibigan kung saan, kadalasan may punong hitik sa indian mango. Duon ka ngayon mag-iigib, magsasaing, at magluluto. Hindi ka rin pala nakatakas.
Pero dito, kasama mo ang mga kaibigan mo kaya magbabaraha kayo (kung saan kailangang mabilis ang mata mo kundi ibang luto ang mangyayari!). O di kaya kwentuhan hanggang masunog ang sinaing. Minsan, magseserbesa pa, tanghaling tapat. Tulungan sa paghanda ng pagkain. Duon po sa amin, magaling magluto ang kalalakihan.
Masarap mag-ihaw kahit mataas ang araw. Kahit na pag-uwi mo, maaamoy nilang lahat kung ano ang inihaw mo at may abo pa sa kamiseta mo. Minsan, nagsinigang kami. Kasama yung bayabas na sobra sa hinog. May isang beses naman, nagsinigang kami na sardinas. Sinigang lang tapos ibubuhos mo sardinas. Lahat pati yung sarsa. Hot and Spicy pa. Ewan ko ba kumpaano nangyari pero masarap naman!
Minsan, nangyayari ang sinasabi nating too many cooks spoil the broth. Nalagyan na pala ng asin nuong isa, nang magkasumpong yung isa at inamoy, inasnan pa uli! O di kaya, maghahanap ka ng konting sili sa bundok para sa manok. Ubos na pala. Sasabihin nung isa ok na raw yung tangkay ng sili, maanghang din daw. Akala nuong iba, mahina ang anghang nuon kaya halos buong halaman e isahog sa manok! Keanghang pala!
Ito ang masarap sa lutuan. Kahit palpak ang luto, sama-samang titiisin, hati-hati sa tutong ng sinaing. Pagtatawanan lang. Kaya busog ka, hindi man masarap ang kinakain, sarap naman ng halakhakan. At nauubos talaga, hanggang sa mapuno pati balumbalunan!
Epilog
Ngunit sa pagtanda ko, napansin kong may madilim na kakambal-kabaligtaran ang lutuan. Duon po sa amin laganap ang mga durugista, nag-aalok ng kakaibang ritwal sa rural na kabataan.
Magagaling talaga ang mga tao duon sa amin. Hindi mahuli-huli. Magaling tumakas at magtago. Malihim. Minsan na lang malalaman ko kasama na yung isang pinsan o isang kabarkada. Mga mukha nila, lango, mga mata, hungkag.
Wala na silang takot sa mga naghihinagpis na matatanda o mga matatalim na bagay. Iba na ang lutuan nila. Kusina nila ang tabing-dagat, mga liblib na lugar sa bukirin, o sa bahay-bahay. Iba na ang burner nila at kubyertos nila e tooter. May paturok-turok pa. Wala nang takot.
Hindi ko na mahagilap ang mga dati kong mga kasama sa lutuan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento