Mga Babae ni F. Sionil Jose
Anong palagay mo sa mga babae?
Pambungad at Pasasalamat
Sadyang imposible talaga ang mga babae. Sa kabila ng anumang pag-aaral, palaisipan pa rin. Pumasok ako sa Peyups dahil hindi ko sila maintindihan at hindi ko maintindihan ang sarili ko sa paligid nila. Bawat isa buong kwento, kalipunan ng mga paghahangad, pangarap, at mga nakaraan. Bawat isa kumpleto rekados, walang kulang na talulot bagamat napakaraming napagdaanan ng mga bulaklak! Gayumpaman, hanggang ngayon, gumradweyt na ako't lahat, hindi ko pa rin sila mawarian.
Buti pa itong si F. Sionil Jose, swabeng-swabe at may sariling pagkagagap sa babae at pagkababae. Hiniram ko kay Jol ang kanyang kopya ng Three Filipino Women bagamat hostage ko pa rin ang kanyang Ben Singkol (O ayan Jol ha! Sinulat ko na rito para hindi ko malimutan! Gagawin ko ang lahat, huwag mo lang saktan ang aking Candide!).
Tatlong novellas ni Jose ang narito. Sa tulong ng mga superpower speedreading skills na ipinasa sa akin ni Alex, nabasa ko ito sa loob ng mga anim na oras! (Akala nyo siguro pagsusulat lang ang may acknowledgements ano! Sa pagbabasa rin!)
Tatlong Filipina
Tatlong kwento ito. Una ang Cadena de Amor, ikalawa ang Obsession, at huli ang Platinum. Panay babae ang bida rito at mula sa puntodebista ng mga lalaking mangingibig. Laging dakila ang babae kumpara sa lalaki (o ito ang pinalalabas nila bilang mga kwentista) ngunit lagi silang nagkukulang kumpara sa saloobin ng tagahanga nila.
Sa kabila ng mga pinagkakasaluhang daloy na ito, sadyang magkakaiba ang kwento. Mga paralel, kumbaga na nananalaytay sa iisang mundo, iisa ang tema ngunit ibang-iba ang mga tauhan, mga motibasyon, sitwasyong panlipunan, at kahihinatnan.
Maihahambing, halimbawa, kay Cezanne na pinaghusay ang pagpinta ng iisang bundok sa napakaraming paraan, kulay, anggulo, at panahon. Hindi ang bundok o ang tema ang nagbabago, di ba? Ang mga elemento!
Pinakamahaba ang Cadena de Amor. Maningning ang bidang si Narita, maganda, matalino, at tanyag. Kababata siya ng kanyang tagahanga at nagmula sa parehong antas ng rural na lipunan, sa ibaba. Sadyang mabilis ang pag-angat ng babae laluna sa konteksto ng kanyang panahon. Sa kanyang paghahagilap sa kapangyarihan, pinasok niya ang pulitika at naging matagumpay rito. May parikala (o irony) sa katapusan ng kwento na sadyang si Sionil Jose lamang talaga ang makahahabi.
Ikalawa ang Obsession na hinango mula sa nobelang Ermita. Tulad sa una, iskolar ang tagahangang kwentista kaya't may elemento ng ideyalismong nasasagasaan ng dalisay na pagkapraktikal ng kanilang hinahangaan. Isang puta si Ermi, ang obsesyon ni Roly. Ngunit may sariling obsesyon si Ermi, may sariling paraan, direksyon, at hiwalay na landas.
Ikatlo ang Platinum, na tila kontrabalanse sa naunang dalawa. Dito naman, nakalugar si Malu sa altasosyedad. Sumailalim siya sa ploretarisasyon at matibay sa kanyang prinsipyo. Kahati lamang ang kwentista sa kanyang pag-ibig sa Inang Bayan. Kawangis niya ang platinum, isang mamahaling bakal na payak at walang yabang at sobrang kinang.
Rekomendasyon at Kongklusyon
Rekomendado ko ito sa lahat na mahilig sa panitikang Pilipino sa Ingles. Sakaling wala kayong hilig, magkahilig kayo para magustuhan ninyo ito! Hindi kayo magsasayang ng oras. Lalo na kung magpatulong kayo kay Alex!
Gayumpaman, kasalanan din ni Sionil Jose dahil magaan ang kanyang prosa at wika. Masarap tuluy-tuluyin ang pagbabasa. Matulain siya sa kanyang sariling paraan at maiintindihan ko kung maparatangang melodramatiko. Ngunit nasa isang antas lamang ng pagbabasa epektibo ang ganyang husga. Kung makikita ang tatlong novellas bilang isang kabuuan kung saan hindi lamang magkakatabi ang mga kwento ngunit magkakaugnay, makikitang niligid niya ang buong ispektrum ng lipunan at naghandog ng mga kubling komentaryo sa mga nagsasagupaang-boses. Sa mga tagisang-isip at tagpuang-puso ng mga mangingibig, mailulugar ng mambabasa ang kanyang sarili at ang hangganan ng kanyang damdamin at paniniwala.
Napayaman ang aking pagkabatid sa mga babae sa sining niya. Nagamit at natalakay niya ng matagumpay ang mga papel ng kababaihan sa Pilipinas. Gayumpaman, hindi ito lumalabas na lektyur. At mas marami pa akong napulot rito kaysa sa karamihan ng mahahabang babasahin. At kaya nga yata ako napadpad sa Peyups sa aking paggalugad sa palaisipan ng babae e para makilala si Jol at mahiram kanyang kopya ng Three Filipino Women!
Anong palagay mo sa mga babae?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento